Araw ng kalayaan

Kabataan hinamon na maging pag-asa ng bayan

412 Views

SA makasaysayang Simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan—ang pinagmulan ng Unang Republika ng Pilipinas—nagbigay ng makahulugang talumpati si Senate President Francis “Chiz” Escudero ngayong Araw ng Kalayaan.

Sa kanyang mensahe, hinikayat niya ang bawat Pilipino na muling yakapin ang diwa ng pagkakaisa at gampanan ang kani-kanilang papel sa pagpapaunlad ng bayan, lalo na ang kabataan.

Binigyang-lalim ni Escudero ang kanyang panimula sa pamamagitan ng pagbanggit sa mga unang linya ng “Mi Último Adiós” ni Dr. José Rizal, lalo na sa pariralang “Nuestro perdido Edén”—na nangangahulugang “Paradise lost” o “Paraisong pinabayaan.” Aniya, ang larawang ito ay patuloy na sumasalamin sa kasalukuyang kalagayan ng bansa, higit isang daang taon matapos ang kalayaan.

“Mayaman ang Pilipinas, masipag at mababait ang mga tao. Bakit hanggang ngayon laganap pa rin ang kahirapan sa ating bansa?” tanong niya, sabay sa mariing pagpapakita ng agwat sa pagitan ng mga likas na yaman ng bansa at ng tunay na kalagayan ng mga mamamayan.

Sa gitna ng kanyang talumpati, hinamon ni Escudero ang nakasanayang pananaw sa kabataan bilang “pag-asa ng bayan.” Ipinunto niyang panahon na para kilalanin sila bilang kasalukuyang lakas at tagapagpatupad ng pagbabago. “Ang kabataan dapat maaasahan na ng bayan,” iginiit niya, kasabay ng pagbibigay-halaga sa mga kabataang bayani tulad nina Rizal, Bonifacio, at Aguinaldo na kumilos para sa bayan habang sila’y nasa murang edad pa.

Tinuligsa rin niya ang patuloy na pagkakahati-hati sa pulitika at ideolohiya. “Imbes na paramihin natin ang pwede nating pagkaisahan, pilit nating hinahanap ang pwede at pinagaawayan natin,” saad niya. Iminungkahi niyang hanapin ng bawat isa ang mga layuning nagbubuklod kaysa sa mga isyung nagpapalalim ng hidwaan.

Binanggit din ni Escudero ang kahalagahan ng watawat ng Pilipinas at ang mga kulay nito—pula, asul, puti, at dilaw—na aniya’y dapat hindi lang ginagamit tuwing eleksyon kundi araw-araw na paalala ng ating pagka-Pilipino. Tinukoy niya ang bawat kulay bilang simbolo ng tapang, pagkakapantay-pantay, dangal, at pag-asa.

Sa paggunita ng ika-127 taong kalayaan mula sa dayuhang pananakop, iginiit ni Escudero na ang selebrasyon ay hindi dapat manatiling pormalidad lamang, kundi dapat magbunga ng pagkilos. “Sana, imbes na pilit nating inuulit ang pagkakamali ng naunang henerasyon, pagpulutan natin ng aral ang ating kasaysayan,” aniya.

Bilang pangwakas, nanawagan siya ng kolektibong pagkilos ng bawat Pilipino—kabataan man o matanda, anuman ang pinagmulan o paniniwala: “Sa pamamagitan lamang nito, tunay nating makakamit ang ating pangarap…upang ang Pilipinas ay hindi na lamang maging paraisong pinabayaan kundi tunay na paraiso.”