Calendar

Senate inquiry sa pagtaas ng kaso ng HIV isinusulong
DAHIL sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng HIV sa bansa, nanawagan si Senate President Pro Tempore Jose Jinggoy Estrada ng isang masusing imbestigasyon ng Senado upang suriin ang kasalukuyang mga polisiya sa kalusugan at palakasin ang mga hakbang laban sa HIV—mula sa pag-iwas at maagang pagsusuri hanggang sa paggamot at edukasyon.
Naghain si Estrada ng Senate Resolution No. 1370, na humihikayat sa Senate Committee on Health and Demography at iba pang kaugnay na komite na pag-aralan ang kasalukuyang tugon ng pamahalaan sa tinawag niyang lumalalang krisis sa pampublikong kalusugan.
“The alarming increase in HIV infections requires immediate action from all sectors, including Congress, to address the far-reaching social and economic impacts related to the ballooning number of HIV cases in the country,” ani Estrada.
Batay sa pinakahuling ulat ng Department of Health (DOH), may average na 57 bagong kaso ng HIV ang naitatala kada araw mula Enero hanggang Marso 2025—tumalon ito ng 50% kumpara sa parehong panahon noong 2024. Lalo pang nababahala ang mga eksperto sa pagtaas ng kaso sa mga kabataan: may 133% pagtaas sa mga wala pang 15 taong gulang, at 106% sa mga edad 15 hanggang 24. Ang pinakabatang pasyente base sa datos ay isang 12-anyos mula sa Palawan na ani Estrada ay lubhang nakababahala.
Simula noong 1984, umabot na sa 148,831 ang kabuuang kaso ng HIV sa bansa hanggang Marso 2025. Tinatayang aabot ito sa 252,800 bago matapos ang taon kung hindi agad matutugunan.
Bilang tugon, iginiit ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang pangangailangan ng “whole-of-government approach” para harapin ang pinakamatinding pagtaas ng kaso ng HIV sa buong Western Pacific Region.
Ipinahayag ni Estrada na ang panukalang pagsisiyasat ay layong itaas ang kamalayan ng publiko, palawakin ang access sa antiretroviral treatment, at ipatupad ang mga serbisyong mas nakatuon sa pangangailangan ng kabataan. Binigyang-diin niya na dapat ay regular na sinusuri ang mga umiiral na polisiya upang matiyak na epektibo at tumutugon ang mga ito sa kasalukuyang hamon.
“Patuloy na banta ang HIV sa kalusugan ng mga mamamayan, at kailangang kumilos agad ang pamahalaan—lalo na sa pagbibigay ng agarang access sa mga gamot—upang mapigilan pa ang mas malawak na pagkalat ng sakit,” dagdag pa ni Estrada.