Bucor

300 PDL inilipat ng BuCor mula Munti patungo sa Sablayan preso

31 Views

INILIPAT ng Bureau of Corrections (BuCor) nitong Biyernes ng gabi ang 300 persons deprived of liberty (PDLs) mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City patungo sa Sablayan Prison and Penal Farm na matatagpuan sa Sablayan, Occidental Mindoro.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., umabot na sa kabuuang 11,227 ang bilang ng mga PDL na nailipat mula sa NBP patungo sa iba pang mga operating prison at penal farms ng ahensya.

Ang matagumpay na paglipat ng mga PDL ay naisakatuparan sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap ng humigit-kumulang 100 Corrections Officers, kabilang ang mga kasapi ng Escort Unit, BuCor SWAT, at mga medical personnel.

Ibinahagi rin ni Catapang na naging posible ang ligtas at maayos na paglipat dahil sa pakikipagtulungan ng BuCor sa iba’t ibang ahensya tulad ng Philippine National Police (PNP) Muntinlupa, PNP Highway Patrol Group, at mga lokal na yunit ng maritime at coast guard.

Dagdag pa ni Catapang, ang ganitong koordinadong operasyon ay mahalaga hindi lamang para sa kaligtasan ng mga PDL, kundi para rin sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad ng publiko habang isinasagawa ang mga ganitong aktibidad.