Castro Palace Press Officer Claire Castro

Aksyon, hindi bakasyon: PBBM, lider na tapat sa gawa para sa bayan

29 Views

SA unang kalahati ng Hunyo, pinamalas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang pamumuno hindi lang bilang pinuno ng estado kundi bilang isang taong kumikilos at hindi nagpapahinga sa harap ng responsibilidad—na nakatuon sa pagpapabuti ng buhay ng mamamayan at pagresolba sa mga suliraning pambansa.

“Ang Pangulo po, aksyon, aksyon at aksyon—hindi bakasyon. ‘Yan po ang laging ginagawa ng ating Pangulo,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing nitong Biyernes.

“Pagtugon sa pangangailangan ng mga Pilipino at hindi pagbabakasyon ang pinagtutuunan ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.,” dagdag pa ni Castro.

Mga konkretong hakbang ng Pangulo

Hunyo 2 – Itinalaga ni Pangulong Marcos si P/Gen. Nicolas Torre III bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) na may pangunahing atas: siguruhing ligtas ang mamamayan.

Hunyo 2 rin – Ipinamahagi ng Pangulo ang mahigit P800 milyong halaga ng makinarya sa patubig, kasabay ng utos sa National Irrigation Administration (NIA) na huwag nang hintayin ang mga magsasaka na lumapit bago aksyunan ang kanilang mga problema.

Hunyo 3 – Sinuri ni Pangulong Marcos ang mga pagbabago sa NAIA Terminal 3 at nanawagan ng patuloy na pagpapabuti ng karanasan ng mga manlalakbay, lalo na ng mga overseas Filipino workers (OFWs).

Hunyo 4 – Tinanggap niya sa Malacañang si Singapore Prime Minister Lawrence Wong upang palalimin ang kooperasyon sa renewable energy, kalusugan, climate change, digitalization at iba pa.

Hunyo 5 – Nilagdaan ng Pangulo ang proklamasyon ng State of Calamity sa Eastern Visayas upang pabilisin ang pagkumpuni sa San Juanico Bridge at tugunan ang krisis sa transportasyon.

Hunyo 6 – Nakiisa ang Pangulo at ang kanyang pamilya sa pagdiriwang ng Eid’l Adha, na idineklara bilang pambansang holiday.

Hunyo 7 – Pinangunahan nina Pangulong Marcos at Unang Ginang Louise Araneta-Marcos ang pag-iilaw ng Jones Bridge sa Maynila, bilang suporta sa rehabilitasyon ng Ilog Pasig at sa 50 taon ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Tsina.

Hunyo 9 – Bumisita ang Pangulo sa dalawang pampublikong paaralan sa Bulacan para sa pagbubukas ng Brigada Eskwela. Agad na inayos ang problema sa suplay ng tubig sa Barihan at Santisima Trinidad Elementary School matapos ang utos ng Pangulo.

Bilang tugon, nangako ang Local Water Utilities Administration (LWUA) na tututukan din ang problema sa suplay ng tubig sa mga paaralan sa labas ng Metro Manila, saklaw ng 532 water districts.

Hunyo 10 – Sa panunumpa ng mga bagong opisyal ng Filipino-Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCII), hinikayat ng Pangulo ang suporta para sa mga maliliit at katamtamang negosyo o SMEs.

Hunyo 11 – Lumipad ang Pangulo sa Siquijor para personal na tugunan ang krisis sa kuryente sa isla. Inutusan niya ang mga ahensya na tuluyang resolbahin ang problema sa loob ng anim na buwan.

Matapos ang kanyang pagbisita, nakarating ang dalawang malalaking generator sets sa isla na pansamantalang nagsuplay ng kuryente at nagbigay ginhawa sa mga residente.

Mula Siquijor nagtungong Samar at Leyte – Pinuntahan din ni Pangulong Marcos ang San Juanico Bridge upang personal na makausap ang mga stakeholder tulad ng mga drayber ng delivery truck at paspasan ang mga hakbang habang inaayos ang tulay.

Hunyo 12 – Araw ng Kalayaan – Pinangunahan ng Pangulo at ng kanyang pamilya ang selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa Rizal Park.

Sa makasaysayang Quirino Grandstand, nanawagan si Pangulong Marcos sa mga lingkod-bayan na gampanan ang tungkulin nang may pananagutan, bilang pag-alala sa sakripisyo ng mga bayani.

Sa halip na magbakasyon, inaaksyunan ni Pangulong Marcos ang bawat suliranin—mula irigasyon hanggang edukasyon, enerhiya, transportasyon at diplomatikong ugnayan. Patunay ito ng kanyang “gobyernong kumikilos, hindi nagpapahinga.”