Calendar

DOH sa lahat ng sektor: Isulong praktis para sa mas ligtas na kalsada
NANAWAGAN ang Department of Health (DOH) nitong Sabado sa lahat ng sektor na isulong ang mga praktis at patakaran para sa mas ligtas na mga kalsada.
Sa kanyang talumpati sa 2025 Road Safety Summit sa Lungsod ng Pasay, sinabi ni Kalihim ng Kalusugan Teodoro Herbosa na nananatiling isa sa sampung pangunahing sanhi ng kamatayan ng mga Pilipino ang mga aksidente sa kalsada.
Ayon sa DOH, tinatayang 12,000 Pilipino ang namamatay kada taon dahil sa mga aksidente sa kalsada. Sa taong 2024 lamang, naitala ang mahigit 37,000 kaso ng mga pinsalang may kaugnayan sa aksidente.
“Magkaisa tayong kumilos nang may agarang aksyon at pagtutulungan, at muling pagtibayin ang pangakong bawasan ng 50 porsyento ang mga pagkamatay at malubhang pinsala dulot ng aksidente sa kalsada pagdating ng 2028,” ani Herbosa. “Talikuran natin ang pagiging kampante at isulong ang mga solusyong batay sa ebidensya.”
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa trapiko at ang pagpapabuti ng asal ng mga drayber ng motorsiklo at apat na gulong.
Aniya, dapat ding pag-ibayuhin ang mga imprastraktura ng kalsada upang maging mas ligtas at akma sa mga motorista ng dalawang gulong at mga siklista.
Sa parehong summit, nagpahayag siya ng suporta sa buong implementasyon ng 30 kilometro kada oras na speed limit sa mga kalsada ng lungsod at munisipyo.
Ayon sa Land Transportation and Traffic Code o Republic Act 4136, ang pinakamataas na pinapayagang bilis sa mga lansangan ng lungsod o bayan na may magaan na trapiko, at hindi itinuturing na “through streets”, ay 30 kph para sa mga pampasaherong sasakyan, motorsiklo, trak, at bus.
Ayon kay Robert Siy Jr., co-convenor ng Move As One Coalition, kapag ganap na naipatupad ito sa mga urban area, hindi lamang ito magdudulot ng mas ligtas na kalsada kundi magiging mas accessible din ito sa publiko.
“Mas maraming tao ang gugustuhing maglakad, magbisikleta, at gumamit ng pampublikong transportasyon – mababago nito ang kabuuang karakter ng ating mga lugar,” ani Siy sa panayam ng Philippine News Agency.
“Sa ngayon, wala pa tayong mga lungsod na aktibong nagsusulong nito, pero dapat nila itong isaalang-alang dahil ito ay makakagawa ng malaking pagbabago.”
Dinaluhan ng mga motorista, tagapagpatupad ng batas, mga gumagawa ng polisiya, at mga kinatawan mula sa pribadong sektor ang nasabing event ng DOH. Kabilang sa mga dumalo ang mga kinatawan mula sa United Nations Children’s Fund (UNICEF), World Health Organization Philippines, Angkas, Joyride, Move It, Philippine Association of LTO-Accredited Driving Schools, at Vehicle Inspection Center Operators Association of the Philippines.
Tampok sa event ang mga educational zone, libreng serbisyong pangkalusugan at may kaugnayan sa sasakyan, at mga interactive booth. Philippine News Agency