Calendar
Nakakulong sa gahasa, may arrest warrant pa sa ibang rape
NAGSISIMULA pa lamang pagdusahan ng lalaki sa Navotas City ang hatol sa kanya para sa kasong rape, isa pang warrant of arrest para sa two counts ng panggagahasa ang isinilbi sa kanya noong Linggo sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Isinilbi ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan kay alyas Manoy ang warrant of arrest dakong ala-1:20 ng hapon, ayon sa report.
Galing kay Malolos City, Bulacan Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Veronica Vicente-De Guzman ng Branch 9 ang warrant of arrest laban kay alyas Manoy.
Inilabas ng hukuman ang arrest warrant nang maglahong parang bula sa Malolos City ang akusado matapos ireklamo ng dalawang ulit na panggagahasa.
Ayon kay BGen. Ligan, malaking tulong ang koordinasyon sa hanay ng kapulisan upang madakip kaagad ang mga kriminal kahit nangyari pa ang krimen sa malalayong lugar at hindi sa kanilang hurisdiksyon.

