Magsino

Nakaambang tensiyon sa Israel, Iran ikinababahala ni Magsino

Mar Rodriguez Jun 18, 2025
44 Views

Magsino1Magsino2NAGPAHAYAG ng pagkabahala si OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino sa kalagayan ng libo-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Israel at Iran sa gitna ng nakaambang pagsiklab ng tensiyon at kaguluhan sa mga naturang bansa.

Sinabi ni Magsino na lubos nitong ikinababahala ang kasalukuyang sitwasyon ng mga OFWs sa Israel at Iran na posibleng maapektuhan o maipit sa lumalalang tensiyon sa rehiyon.

Gayunman, ipinahayag ng OFW Party List Lady solon na bagama’t ang napipintong kaguluhan at tensiyon sa dalawang bansa ay hindi ang unang beses kung kaya’t hinihiling nito sa pamahalaan ang agarang paglalatag ng mga contingency plans.

Ipinaliwanag ni Magsino na nasa mahigit 30,000 Filipino ang kasalukuyang nasa Israel habang mayroon naman 700 Pinoy na rehistrado ang nakatira sa Iran batay narin sa pagtatala ng Philippine Embassy na kinakailangang Ilikas sa lalong madaling panahon.

Dahil dito, nananawagan din si Magsino sa mga Pilipinong nasa Israel at Iran na kung hindi nila kinakailangang manatili sa kani-kanilang lugar ay mas makabubuting agad silang makipag-ugnayan sa Philippine Embassy para sa pagpapalikas sa kanila.

Ayon pa sa kongresista, kinakailangang maging handa ang Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Affairs (OWWA) at Iba pang miyembro ng Inter-Agency Medical Assistance Repatriation Program (IMRAP) sa pag-alalay sa mga OFWs na emotionally at pychologically distressed bunsod ng tensiyon sa Israel at Iran.

Kasabay nito, umaapela si Magsino sa mga nasabing ahensiya na maglatag ng isang maayos at makataong reintegration para sa mga OFWs para matulungan sila na magkaroon ng kaunting pagkakakitaan lalo na at mapuputol ang kanilang trabaho dahil sa kaguluhan.

Samantala, nakiisa si Magsino sa 45th pagdiriwang ng Anniversary Forum and Milstone para sa selebrasyon ng Commission on Filipino Overseas (CFO) sa harap ng mga suliranin at hamon na kinakaharap ng mga OFWs sa iba’t-ibang panig ng mundo.