Calendar

Reporma sa PNP ‘di lang kailangan, matagal na dapat’
IPINAHAYAG Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang kanyang buong suporta sa mga repormang isinusulong ng bagong talagang hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Gen. Nicolas Torre III. Ayon kay Estrada, ang mga hakbang na ito ay “not only necessary but long overdue.”
Bilang pinuno ng Senate Committee on National Defense and Security, binigyang-diin ni Estrada na mahalagang maibalik ang tiwala ng publiko sa kapulisan upang maging epektibo ang pagpapatupad ng batas at pagtiyak sa kapayapaan.
“Mahalagang-mahalaga na may tiwala ang publiko sa kapulisan. Kapag nakikita nilang may integridad at propesyonalismo ang mga pulis, mas magiging bukas ang mga tao na makipagtulungan sa paglaban sa krimen at sa pagpapanatili ng kaayusan sa ating mga komunidad,” pahayag ni Estrada.
Inamin ni Estrada na may pag-aalinlangan siya noong una tungkol sa pagkakatalaga kay Torre, ngunit agad niyang pinuri ang mga unang hakbang nito sa pamumuno, lalo na ang pagpapalit sa ilang opisyal na hindi tumugon sa loob ng limang minutong itinakdang oras ng aksyon.
“Leadership is not about grandstanding – it’s about knowing where to take the institution and having the courage to make tough calls,” aniya.
Kinampihan din ng senador ang bagong polisiya ng walong oras na duty shift para sa mga pulis, na aniya ay makatutulong sa pagtuon sa tungkulin at sa mas maayos na balanse sa pagitan ng trabaho at personal na buhay.
“Makakatulong ito upang magkaroon sila ng balanse sa trabaho at personal na buhay,” dagdag ni Estrada.
Habang kinikilala na hindi madaling ayusin ang mga suliraning sistemiko sa PNP, inilahad ni Estrada ang ilang pangunahing larangan ng reporma: mahigpit na pananagutan para sa mga abusadong opisyal, modernisasyon ng teknolohiya, at pagpapalakas ng moral at pagkakaisa sa hanay ng kapulisan.
Tinukoy niya ang mga ito bilang pundasyon ng isang “a professional, responsive, and trustworthy police force.”
Binigyang-diin din ni Estrada na ang mga reporma ay dapat maging patas at makatao, at magsilbing proteksyon at motibasyon para sa mga tapat na lingkod-bayan.
“Kailangan din na tiyakin na maaalagaan ang kapakanan ng mga rank-and-file na opisyal at masiguro na ang mga reporma ay may makatarungang pagtrato at may kaakibat na insentibo.”
Sa kabuuan, muling pinagtibay ni Estrada ang kanyang suporta sa pamumuno ni Torre, at inendorso ang mga hakbangin nito bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na gawing makabago at propesyonal ang mga ahensyang nagpapatupad ng batas sa bansa.