OFW Ang ilan sa mga OFW sa Middle East na nakauwi ng ligtas sa Pilipinas. Source: DMW

Hiling sa gobyerno: OFWs sa Israel, Iran tiyaking ligtas

21 Views

Isinulong ni Senador Raffy Tulfo, Tagapangulo ng Senate Committee on Migrant Workers, ang agarang pagkilos ng pamahalaan kasunod ng lalong paglala ng tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.

Binigyang-diin niya ang pangangailangang tiyakin ang kaligtasan ng libu-libong overseas Filipino workers (OFWs) sa dalawang bansa.

Nagsimula ang alitan noong Hunyo 13 matapos magsagawa ang Israel ng mga preemptive strike laban sa nuclear at ballistic missile programs ng Iran. Bilang ganti, naglunsad ang Iran ng mga drone at missile attack, kabilang ang sa lungsod ng Rehovot sa Israel kung saan apat na Pilipino ang naospital.

Kaagad na nakipag-ugnayan si Tulfo sa mga ahensya ng pamahalaan upang planuhin ang mga kinakailangang hakbang.

Sa pag-uusap nila ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, ipinaalam nitong aktibong mino-monitor ng DMW ang sitwasyon sa mga apektadong lugar.

Ayon kay Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola, “As of June 17, Israel had been hit by 365 ballistic missiles from Iran.” Sa kasalukuyan, tinutulungan ng embahada ang 56 OFWs: 49 ay nililikas at 7 ang ginagamot.

Tinatayang nasa 31,000 ang mga Pilipinong nasa Israel, kung saan halos 80% ang nagtatrabaho bilang caregivers, ayon sa DMW at Department of Foreign Affairs (DFA). Sa Iran naman, may humigit-kumulang 2,000 Pilipino, kabilang ang 14 na OFWs sa mga restoran na nagpahayag ng kagustuhang makabalik sa bansa.

Kinumpirma ni Ambassador to Iran Robert Manalo ang mga kahilingang repatriation. Ipinunto naman ni DFA Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Eduardo de Vega ang komplikasyon sa proseso: “airport closures in Tehran are forcing repatriation efforts to rely on a 13-hour land route to Turkmenistan.”

Dagdag pa rito, inanunsyo ni De Vega na “the first group of 26 repatriates—out of 150 who have expressed intent to return home from Israel—will be leaving via Jordan and could arrive in the Philippines this weekend.”

Binigyang-diin ni Senador Tulfo ang kahalagahan ng koordinadong aksyon mula sa DMW, DFA, at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), aniya: “Mahalagang matukoy ng ating gobyerno ang lokasyon ng lahat ng mga Pilipinong nasa Iran at Israel, pati na rin ang mga undocumented workers, at masigurong agad silang marerepatriate kung kakailanganin.”

Tiniyak naman ni Secretary Cacdac na “inter-agency communication lines have already been established under a unified national approach” upang mapadali ang repatriation at iba pang suporta sakaling lalala pa ang sitwasyon.