Calendar

Torre nanawagan sa publiko: 911 emergency system suportahan
“KAPAG bawat segundo ay mahalaga, tatlong numero lang ang kailangan.”
Ito ang mariing pahayag ni Philippine National Police (PNP) Chief General Nicolas D. Torre III habang nananawagan sa mga Pilipino na lubos na suportahan at gamitin ang pambansang emergency hotline na 911, kung saan malaking papel ang ginagampanan ng kapulisan.
Ayon kay Gen. Torre, ang E911 platform ay nagbibigay daan sa mas mabilis na pagresponde, maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya, maingat na pamumuno, responsibilidad sa mga tumutugon, at mas epektibong serbisyo batay sa feedback mula sa publiko.
“Ang 232,000-strong PNP ay handang tuparin ang pamantayan ng gobyerno sa bawat tawag ng saklolo,” aniya.
Binanggit ni Torre na sa mga pagkakataong may banta sa buhay, bawat segundo ay may saysay. Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., aniya, mas pinalakas at pinabilis ang serbisyo ng Emergency 911 system para sa mga Pilipino.
Sentro ng Emergency Response: Ang PNP
Ang E911 system ang nagsisilbing sentral na hotline ng gobyerno para sa lahat ng uri ng emerhensiya—mula sa pulis, sunog, medikal, hanggang sa iba pang rescue operations. Ito ay isang whole-of-government approach na pinagsasama-sama ang pambansa at lokal na ahensya sa iisang plataporma.
Kapag ang isang mamamayan ay tumawag sa 911 at pinindot ang “1” para sa tulong ng pulis, agad itong niruruta sa PNP Command Center (PCC) at inia-activate ang mga emergency response protocol ng PNP.
Sa pagtanggap ng tawag, agad na kinokolekta ng telecom personnel ang mahahalagang impormasyon tulad ng eksaktong lokasyon, uri at saklaw ng insidente, at detalye ng mga sangkot.
Kapag “2” ang pinindot para sa sunog o “3” para sa medikal na pangangailangan, agad itong ipinapasa sa Bureau of Fire Protection (BFP) o sa emergency medical responders.
Organisado at Mabilis ang Tugon
Sa PNP-related na tawag, matapos mapatunayan ang detalye ng insidente, agad itong ibinabato ng PCC sa tamang police station gamit ang iba’t ibang plataporma tulad ng:
Digital Mobile Radio (DMR) para sa NCR, Region 3, 4A, at 7
Mula sa pagtanggap ng dispatch, agad na rumeresponde ang mga pulis sa lugar ng insidente, isinasagawa ang operasyon ayon sa Police Operational Procedures (POP) at nakikipag-ugnayan sa Tactical Operations Center (TOC) para sa real-time na update at tulong.
Responsableng Serbisyo, Mula Simula Hanggang Dulo
Kapag natapos na ang insidente, iniuulat ito pabalik sa TOC. Ang buong proseso—mula sa tawag hanggang sa resolusyon—ay sinusubaybayan at nire-record ng mga Regional, Provincial, District, o City Tactical Operations Centers, upang masiguro ang transparency, pananagutan, at patuloy na pag-unlad ng serbisyo.
5-Minute Response Time, Ipapatupad
Binigyang-diin din ni Gen. Torre ang mahalagang papel ng PNP sa E911 habang inilunsad ang 5-Minute Response Time sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon.
Kamakailan, inalis sa puwesto ang walong hepe ng pulisya sa NCR dahil sa kabiguang makamit ang nasabing pamantayan sa mga isinagawang peace and order simulations.
“May walong hepe na tayong inalis sa puwesto, at posibleng madagdagan pa,” ayon kay Torre. “Noong Sabado ay nasa Western Visayas ako at binalaan ko rin ang ilang provincial commanders. Bubuksan natin ang mga posisyon para bigyan ng pagkakataon ang mga karapat-dapat at masigasig na opisyal.”
“’Wag niyo na kaming hanapin sa mga presinto. Kami ay nasa inyong telepono. Tumawag sa 911—darating kami sa loob ng limang minuto,” ani Gen. Torre.