Calendar

Tagapagsalita ng Kamara kay VP Sara: Igalang papel ng Kongreso sa proseso ng budget
PINAALALAHANAN ng House of Representatives si Pangalawang Pangulong Sara Duterte na igalang ang konstitusyunal na papel ng Kongreso sa pambansang proseso ng pagba-budget.
Ito’y matapos ang pahayag ni Duterte na hindi na humiling ng mas mataas na budget para sa 2026 ang Office of the Vice President (OVP) dahil inaasahan umano niyang ibabasura rin ito ng Kamara, at upang maiwasang mapahiya ang kanyang mga tauhan.
Ayon kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ng Kamara, “maganda” na kinilala ni Duterte ang kapangyarihan ng Kongreso sa pambansang budget, ngunit binigyang-diin na kasama sa pagkilalang ito ang ganap na paggalang sa tungkulin ng Kamara na suriin kung paano ginagamit ang pondo ng bayan at obligasyon ng mga ahensya ng gobyerno na ipaliwanag ang kanilang hinihinging budget.
“Well, unang-una, maganda na nakikita natin sa statement ni Vice President Sara Duterte na nire-recognize niya ang role ng Kongreso, ng Kamara sa budget process. Magre-request siya sa House of Representatives ng budget,” ani Abante sa isang press conference.
“Sana nare-recognize din niya na kasama sa responsibilidad ng Kamara, hindi lang ‘yung makapag-request siya, kundi kasama sa responsibilidad ng Kamara suriin ang paggamit ng pondo na nailaan sa [OVP] at ma-justify din ng [OVP] ang budget na hinihingi nila,” dagdag niya.
“We will wait and see kung talagang ire-recognize talaga ni VP Sara ang budget role ng House of Representatives at rerespetuhin ang proseso ng pag-apruba ng budget,” sinabi ni Abante.
Matatandaang noong deliberasyon ng pambansang budget para sa 2024, binawasan ng Kamara ang orihinal na mungkahing P2.026 bilyong budget ng OVP at ginawang P733.2 milyon—bawas ng mahigit P1.3 bilyon.
Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagbawas ay ang pagkabahala ng publiko sa hiling ng OVP na P500 milyon para sa confidential at intelligence funds, na kumakatawan sa halos 21 porsiyento ng orihinal na budget proposal.
Ito ay kasunod ng pagbulgar na gumastos ng P125 milyon sa confidential funds ang OVP sa loob lamang ng 11 araw noong huling bahagi ng 2022—bagay na tinutukan ng Commission on Audit (COA).
Binigyang-diin ng mga lider ng Kamara na ang lahat ng budget items—lalo na ang confidential funds—ay kailangang suportado ng kumpletong dokumentasyon, malinaw na performance metrics, at buong transparency upang mapanatili ang pananagutan sa publiko.
Bilang tugon sa pahayag ni Duterte na hindi na siya humiling ng mas mataas na budget upang hindi mapahiya ang kanyang mga tauhan, tinawag ni Abante ang ganitong pahayag na nakaliligaw.
“Wala naman pong pinapahiya ang House of Representatives sa budget process. Kasama sa trabaho ng House na suriin ang paggamit ng pondo ng bayan, lalo na ang pondong inilalaan sa kanila at hinihingi nila,” ani Abante.
“Walang pagpapahiya dito. Ang importante lang sumagot ng tama, sumagot ng ayon sa mga dokumento na meron—hindi naman para sa personal na pulitika, ito ay para sa mamamayang Pilipino na we are accountable to,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Abante na ang pagsusuri ng paggamit ng pondo ng bayan ay hindi isang gawaing pampulitika kundi isang konstitusyunal na tungkulin, upang matiyak na ang paggastos ng gobyerno ay tunay na nagsisilbi sa taumbayan.