Calendar

Mabilis na fuel subsidy sa PUV drivers, operators pinanawagan
NANAWAGAN si Senador Raffy Tulfo sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tiyakin ang agarang at maayos na pamamahagi ng fuel subsidy para sa mga drayber at operator ng pampublikong sasakyan, kasabay ng inaasahang pagtaas ng presyo ng langis.
Ang apela ni Tulfo ay kasunod ng kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palawigin ang subsidiya sa sektor ng transportasyon bilang tugon sa tumataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dulot ng tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary Michelle de Vera, inatasan na ng Pangulo ang DOTr, LTFRB, Department of Energy (DOE), at Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipatupad ang programa sa sandaling magsimula ang taas-presyo. Saklaw ng subsidy ang mga drayber at operator ng modern at tradisyunal na jeepney, bus, tricycle, mga driver ng ride-hailing apps gaya ng Grab, at maging mga delivery rider.
Ibinahagi rin ni De Vera na ₱2.5 bilyon ang inilaan para sa programa, na napatunayan na at aprubado ng DOE. Dahil dito, maaari nang simulan ng LTFRB ang pamamahagi ng pondo sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Ipinahayag naman ni LTFRB Executive Director Loumer Bernabe na ilalabas ang subsidy gamit ang iba’t ibang paraan—Pantawid Pasada Cards, direct bank transfers, electronic wallets, at over-the-counter claims sa mga piling Landbank branch kung wala ang digital na opsyon. Simula sa Lunes, Hunyo 23, sisimulan na ang pagproseso ng mga benepisyaryo sa oras na mailipat na ng DOTr ang pondo.
Binigyang-diin ni Tulfo ang pangangailangang may malinaw na guidelines upang maiwasan ang katiwalian. “Ito ay para masiguro na ang mga beneficiaries ay mga tunay nga na PUV drivers/operators/ o delivery riders at walang palakasan system,” aniya.
Dagdag pa niya, hindi na dapat maulit ang mga pagkaantala sa distribusyon ng ayuda gaya ng mga naranasan noon. “Ayokong marinig na mayroong nadehadong tsuper ng jeepney dito na dapat sana na makinabang sa programa,” giit niya.
Sa pagtatapos, tiniyak ni Tulfo na kanya mismong babantayan ang implementasyon upang matiyak na ang tulong ay makarating sa mga tunay na nangangailangan sa panahon ng kagipitan.