Calendar

Nawawalang law student ng DLSU sa Taguig bangkay na nang matagpuan sa Cavite
NAGSISIMULA ng maagnas ang bangkay ng 25-taong-gulang na law student ng De La Salle University (DLSU)-Bonifacio Global City na iniulat na nawawala noon pang Hunyo 8, matapos matagpuan Sabado ng hapon sa isang bakanteng lote sa Naic, Cavite.
Positibong kinilala ng kanyang ama at kapatid ang biktimang si Anthony Granada na ayon sa pulisya ay nakuhanan pa ng CCTV nang sumakay ng ride-hailing na Grab mula sa tinutuluyang condominium unit sa C-5 Road, dakong alas-6 ng gabi ng Hunyo 8.
Natunton naman ng mga tauhan ni Taguig Police officer-in-charge P/Col. Rodel Pastor ang driver ng Grab na sinakyan ng biktima na nagpahayag na nagpahatid sa kanya ang estudyante sa Naic Town Plaza sa Cavite.
Sa kuha ng CCTV sa Barangay Sapa, Naic, Cavite, nakita ang biktima na naglalakad mag-isa sa Lopez Jaena Bridge dakong alas-9:20 ng gabi noong Hunyo 17, hanggang matagpuan na ang kanyang bangkay ng ala-1:20 ng hapon nitong Sabado, Hunyo 21.
Sinabi naman ng Grab driver sa pulisya na wala namang nakikitang indikasyon na may mabigat na suliranin ang biktima at kalmado lamang ito habang nagbibiyahe patungong Cavite.
Nakuha ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa lugar na kinatagpuan ng bangkay ng biktima ang isang botelya na may lamang kemikal na ginagamit na panlinis sa mga baradong daluyan ng tubig.
Maging ang dalang backpack ng biktima na naglalaman ng kanyang cellular phone at mga personal na gamit ay natagpuan din sa lugar, kaya’t inalis na ng pulisya ang duda na may nangyaring karahasan o foul play sa insidente.
Gayunman, isasailalim pa rin sa masusing pagsusuri ng mga tauhan ng Forensic Unit ng Cavite Provincial Police Office at Naic Municipal Police Station ang pangyayari upang alamin kung ano ang tunay na dahilan ng pagkasawi ng estudyante.
Sa mensahe naman sa kanyang facebook account ng kapatid ng biktima na si Ricky, nais lamang aniya niyang ibahagi sa lahat na ang pinakamamahal niyang kapatid na si Anthony ay natagpuan na bagama’t kasama na siya ngayon ng Panginoon.
“On behalf of my family, I would like to express our sincerest gratitude to each and everyone for all your support and prayers during this difficult time. Your kindness has been a great comfort to our family,” bahagi pa ng mensahe ni Ricky.
Hindi na nagbigay pa ng detalye ang pamilya sa pagkamatay ng biktima at sa halip ay humingi na lang sila ng pangunawa at irespeto na lang ang pagiging pribado nila sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.