Calendar

2 ex-POGO workers naharang sa paglabas ng PH
BILANG tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang laban sa ilegal offshore gaming operations, dalawang Chinese national ang naharang ng mga agents ng Bureau of Immigration (BI) matapos magtangkang umalis ng bansa gamit ang pekeng emigration exit clearance (ECC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3 noong Hunyo 20.
Nahuli sina Yu Ziming, 32, at Wu Liping, 30, sa NAIA 3 departure area ng mga miyembro ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) matapos iprisinta ang pekeng ECC para makasakay ng Cathay Pacific flight papuntang Hong Kong.
Ang ECC ay kinakailangan para sa mga banyagang nagtatrabaho sa Pilipinas na permanenteng aalis ng bansa.
Batay sa imbestigasyon, ang dalawa ay dating empleyado ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na masusing binabantayan kasunod ng pagbabawal ng gobyerno sa mga POGO.
Isinailalim na sila sa kustodiya ng BI Legal Division para sa pagsasampa ng kaukulang kaso at nilipat sa BI warden facility habang hinihintay ang kanilang deportasyon.
Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang determinasyon ng ahensya sa pagtuklas ng mga mapanlinlang na gawain at pagsugpo sa mga ilegal na dayuhang manggagawa.
“Isang babala ito sa mga nagtatangkang lumabag sa batas sa pamamagitan ng pekeng dokumento. Buong suporta namin ang utos ng Pangulo na wakasan ang mga ilegal na POGO operation at tiyaking hindi inaabuso ang ating immigration system,” sabi ni Viado.