Calendar

PNP: Walang inupahang fitness instructor para sa buong pwersa
NILINAW ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo na walang inaprubahang fitness instructor si PNP chief Gen. Nicolas Torre III para pangunahan ang isang weight loss program para sa buong organisasyon.
Ang nasabing programa, na pinangunahan umano ng fitness vlogger na si Rendon Labador, ay isinagawa sa Camp Crame sa Quezon City noong Hunyo 19.
Sa isang memorandum na inilabas noong Hunyo 21, sinabi ni Maj. Gen. Roderick Augustus Alba, hepe ng PNP Directorate for Police Community Relations, na ang physical fitness activity ay inisyatibo lamang ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG) at para lamang sa kanilang mga miyembro — hindi para sa buong PNP.
“Kaugnay nito, inaatasan ang mga tauhan ng PNP na umiwas sa pagbabahagi ng maling impormasyon. Walang inaprubahan ang Chief PNP na fitness instructor na mamuno sa isang weight loss program para sa buong PNP. Dapat maging maingat ang mga social media officers sa pagpo-post at pagbabahagi ng nilalaman upang maiwasan ang pagkalat ng impormasyon na maaaring magdulot ng kalituhan,” ayon sa memorandum.
Sa isang panayam, sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na wala siyang personal na kaalaman tungkol sa anumang opisyal na pakikipag-ugnayan kay Labador bilang fitness coach. Gayunpaman, bukas naman umano ang PNP sa sinumang nais tumulong sa layunin ni Gen. Torre na panatilihing malusog ang katawan ng mga pulis.
Una nang nagbabala si Torre na maaaring bigyan ng “graceful exit” o maagang pagreretiro ang mga pulis na mabibigong maging pisikal na fit.
Ayon kay Labador, pumayag siyang pangunahan ang 93-araw na physical fitness program ng PCADG nang walang bayad bilang pag-alala sa kanyang amang dating pulis. PNA