Calendar

Fuel subsidy para sa mga tsuper hiniling ibigay na
Nanawagan si Senadora Grace Poe sa mga ahensya ng gobyerno na agarang ipamahagi ang fuel subsidy na nakalaan sa ilalim ng 2025 pambansang badyet upang matulungan ang mga sektor na pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
“The fuel subsidies to our drivers must be released with dispatch,” giit ni Poe sa kanyang pahayag noong Hunyo 23.
Aabot sa ₱2.5 bilyon ang inilaan para sa mga tsuper ng pampublikong transportasyon, taxi, ride-hailing services, at delivery riders.
Dagdag pa rito, may ₱585 milyon namang inilaan sa pamamagitan ng Department of Agriculture para suportahan ang mga magsasaka at mangingisda na apektado rin ng pagtaas sa presyo ng langis.
Ipinunto ni Poe na ang tulong pinansyal ay kailangang sapat upang maibsan ang epekto ng pabagu-bagong presyo ng krudo.
Iminungkahi rin niyang pabilisin ang proseso ng dokumentasyon upang maiwasan ang anumang pagkaantala: “We also expect the concerned agencies to speed up the paper works to avert delays in the distribution.”
Ang pamamahagi ng subsidiya ay bahagi ng contingency measure ng gobyerno tuwing tumataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Batay sa mga ulat, may pangamba sa posibleng pagkaantala ng suplay ng krudo dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan, lalo na sa Strait of Hormuz—isang pangunahing daanan ng pandaigdigang suplay ng langis.
Inatasan ng Department of Energy ang mga kumpanya ng langis na panatilihin ang hindi bababa sa 30 araw na imbentaryo ng krudo at 15 araw na suplay ng produktong petrolyo.
Kasabay nito, iminungkahi rin ang paunti-unting pagtaas sa presyo ng langis kung kinakailangan.
Ayon sa patakaran ng gobyerno, awtomatikong pinaiiral ang subsidiya kapag lumampas sa benchmark na US$80 kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ipinabatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maaaring ipatupad ang fuel subsidy sa parehong paraan ng mga programang inilunsad noong panahon ng pandemya.
Sa panig ng Department of Energy, tiniyak ng mga opisyal na may mga hakbang na inihahanda upang matugunan ang anumang posibleng pagkaantala sa suplay na maaaring magdulot ng pagtaas sa presyo ng langis sa bansa.
Sa kabuuan, bahagi ang mga subsidiya ng mas malawak na hakbang ng pamahalaan upang suportahan ang sektor ng transportasyon at agrikultura na patuloy na hinaharap ang hamon ng tumataas na presyo sa pandaigdigang merkado.