Chua1 Si Manila 3rd District Rep. Joel Chua sa press conference sa Kamara de Representantes na ginanap Lunes ng umaga. Kuha ni VER NOVENO

Chua suportado di pakikialam ni PBBM sa impeachment vs VP Sara

24 Views

IPINAGTANGGOL ng isang miyembro ng House prosecution panel ang desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na huwag makialam sa impeachment case na kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.

Iginiit ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, na siya ring chairman ng House committee on good government and public accountability, na ang proseso ng impeachment ay isang natatanging tungkuling konstitusyonal ng lehislatura at ang desisyon ng Pangulo na umiwas dito ay hindi lamang makatuwiran kundi mahalaga upang mapanatili ang prinsipyo ng separation of powers.

“Ang impeachment po ay constitutional duty ng Senado at ng Kamara. Hindi po dito saklaw ang ehekutibo,” ayon kay Chua sa isang press conference.

“So tama po ang ating Presidente. Ito po ay constitutional duty ng dalawang Congress—‘yung House at upper chamber which is the Senate,” dagdag pa niya.

Kamakailan, sinabi ni Pangulong Marcos sa media na wala siyang balak makialam sa impeachment proceedings, at binanggit ding ang marami na niyang responsibilidad na ginagampanan bilang pinuno ng ehekutibo.

Sinabi ni Chua na ang ganitong posisyon ng Punong Ehekutibo ay nararapat at dapat igalang.

“Siguro sa akin pong pananaw, mas maganda na hayaan na lang po natin ‘yung Palasyo na gampanan nila ang kanilang tungkulin bilang Punong Ehekutibo dahil marami rin pong dapat na tutukan ang ating Pangulo,” ani Chua.

Nang tanungin kung makatutulong ba sa prosekusyon ang kung magsasalita ang Pangulo upang ipahayag ang suporta sa impeachment o ang kahalagahan ng pananagutan, iginiit ni Chua na mas nararapat sa ngayon ang pagiging neutral ng Malacañang sa usapin.

Pebrero nang aprubahan ng Kamara de Representantes ang impeachment laban kay VP Duterte dahil sa iba’t ibang alegasyon, kabilang ang umano’y maling paggamit ng P125 milyong confidential funds na naubos sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.

Sa kabuuan, kinuwestiyon ang pamamahala ni Duterte sa P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd), na kapwa niya pinamunuan.

Kabilang din sa mga paratang ang betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, grave abuse of discretion, at obstruction of legislative oversight.

Pitong Articles of Impeachment ang inaprubahan ng Kamara, na nagpapakita umano ng pattern ng pang-aabuso sa pondo ng bayan at paglabag sa mga mekanismo ng checks and balances sa gobyerno.