Mendoza LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II

Kampanya vs di ligtas na sasakyan pinaigting

Jun I Legaspi Jun 23, 2025
43 Views

ALINSUNOD sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na panatilihing ligtas ang lahat ng lansangan sa bansa, muling pinaalalahanan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga motorista na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan kaugnay ng kampanya laban sa mga sasakyang delikado kapag tumatakbo sa kalsada.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, isasagawa ang kampanya kasabay ng mas pinaigting na operasyon laban sa mga hindi rehistradong sasakyan at mga lisensyang paso.

“Tinatapos na namin ang aming campaign plan at ang pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya para sa pagpapatupad ng pinaigting na kampanya laban sa mga sasakyang may expired na rehistro at mga hindi ligtas gamitin sa lansangan,” ani Asec. Mendoza.

Naglabas na rin si Asec. Mendoza ng memorandum na tumatalakay sa mga alituntunin para sa mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa mga sasakyang hindi rehistrado, may overdue na rehistro at hindi ligtas sa kalsada.

Dagdag pa niya, mahalaga ang roadworthiness inspection sa mga accredited Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs) upang matukoy kung ligtas pa bang gamitin ang isang sasakyan.

Batay sa memorandum, ang mga sasakyang may expired na rehistro ay agad na i-impound hanggang sa maiparehistro muli ang mga ito, kasunod ng matagumpay na pagsusuri sa roadworthiness.

Ang Joint Administrative Order 2014-01 at ang Republic Act 4136 ang nagsisilbing batayan ng mahigpit na parusa, kabilang na ang multang P10,000.

Gayundin, maaaring i-impound ang mga delikado at hindi ligtas na sasakyan alinsunod sa parehong batas, hanggang sa makumpleto lahat ng kinakailangang rekisito upang matiyak ang kanilang kaligtasan sa kalsada.

“Para sa layunin ng pagpapatupad, kabilang sa mga itinuturing na delikadong sasakyan ang mga may sirang windshield, nakalaylay o nakausling bahagi, kalbong gulong, labis na usok, at malaking pinsalang nakikita sa katawan ng sasakyan,” ayon sa memo.

Iginiit ni Asec. Mendoza ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa mga depektibong sasakyan.

Kabilang sa mga layunin ng administrasyong Marcos sa ilalim ng Philippine Road Safety Action Plan ang bawasan ng hindi bababa sa 35% ang mga insidente ng aksidente sa daan hanggang taong 2028.

Batay sa datos ng World Health Organization (WHO), tinatayang 1.3 milyong tao ang namamatay kada taon dahil sa mga aksidente sa kalsada sa buong mundo, habang 20 hanggang 50 milyong katao naman ang nasusugatan—kabilang na ang mga nagreresulta sa permanenteng kapansanan.

Sa Pilipinas, tinatayang 32 katao ang namamatay araw-araw dahil sa mga aksidente sa lansangan, ayon sa datos ng United Nations.