Cong Tulong

Oducado suportado ang panawagan ng DMW

Mar Rodriguez Jun 24, 2025
26 Views

SINUSUPORTAHAN ni incoming 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” Oducado ang panawagan ng Department of Migrant Workers (DMW) para sa mga Private Recruitment Agencies (PRAs) na pansamantalang ipagpaliban ang pagpapadala ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Gitnang Silangan.

Ikinatuwiran ni Oducado na ang pagresolba sa tumitinding digmaan sa pagitan ng Israel at Iran ay kailangan latagan ng epektibong solusyon para maiwasang madamay ang libo-libong OFWs kasama na ang mga Overseas Filipinos (OFs) na naninirahan sa Gitnang Silangan.

Sinabi ng baguhang kongresista na ang pansamatalang pagpapahinto ng pagpapadala ng mga Pilipinong manggagawa sa Gitnang Silangan ay upang maprotektahan at tiyakin ang kaligtasan ng mga OFWs na maipit sa giyera sa pagitan ng dalawang bansa.

Nauna rito, naglabas ang DMW ng kanilang Advisory No. 19 Series of 2025 kung saan muli nitong binibigyang diin ang mga ipinatutupad na limitasyon sa pagpapadala ng mga Pilipinong manggagawa sa Israel, Iran, Jordan at Lebanon sa gitna ng lumalalang tensiyon.

Ipinaliwanag ng DMW na nananatili sa Alert Level 3 ang Lebanon na ang ibig sabihin ay hindi muna pinapayagan ng ahensiya ang pagpapadala o deployment ng mga bagong Pilipinong manggagawa kasama na ang mga datihan ng manggagawa.

Dahil dito, sabi pa ni Oducado na napakahalaga ng kooperasyon ng PRAs para maprotektahan ang libo-libong OFWs sa Middle East kabilang na ang mga Pilipinong nagnanais magtrabaho duon para maiwasan na hindi sila madamay o maipit sa digmaan.

Samantala, personal na binisita ni Oducado si Caloocan City Representative Oscar “Oca” Malapitan sa Kamara de Representantes kung saan ipinahayag ng incoming Party List Solon ang kaniyang paghanga kay Malapitan.

“Bilang batang lider na nangarap makapaghatid ng tunay na pagbabago. Lagi kong hinahangaan ang malinaw at makataong blueprint ng social services sa Caloocan dahil ay congressman Malapitan,” wika nito.