Calendar

Power bank sumiklab, sumabog sa Roxas Airport
KINUMPIRMA ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na walang nasaktan matapos sumiklab at sumabog ang isang power bank sa Initial Security Screening Checkpoint ng Roxas Airport nitong Martes.
Bandang 6:36 ng umaga ng Hunyo 24, natuklasan ng mga tauhan ng paliparan ang isang power bank na may kapasidad na 72,000 milliampere-hour (mAh) sa bagahe ng isang babaeng pasaherong patungong Maynila.
Lumampas ito sa pinapayagang 160 watt-hour na kapasidad para sa mga power bank na maaaring isakay sa eroplano.
Bagaman iginiit ng pasahero na pinayagan ang naturang power bank sa kanyang flight mula Maynila, kalaunan ay pumayag siyang iabot ito sa kasama niya sa labas ng terminal.
Habang inaayos ang pagsuko ng item, bigla itong kumislap at nagliyab sa ibabaw ng inspection table.
Agad na rumesponde ang isang security guard ng paliparan at gumamit ng fire extinguisher upang mapatay ang apoy. Gayunpaman, sumabog ang power bank ilang sandali matapos ito.
Sa kabutihang palad, walang nasaktan at walang malaking pinsalang naitala.
Pinuri ng CAAP ang mabilis at epektibong aksyon ng airport security at ng mga tauhan ng Office for Transportation Security.
Ipinapakita ng insidenteng ito ang kahalagahan ng mahigpit na pagsunod sa mga panuntunan sa kaligtasan sa aviation, lalo na pagdating sa mga kagamitang gumagamit ng lithium-ion gaya ng power banks.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng Department of Transportation sa pagpapanatili ng pinakamataas na antas ng kaligtasan at seguridad sa pagbibiyahe ng lahat ng pasahero, hinikayat ng CAAP ang lahat ng manlalakbay na pag-aralan ang mga patakaran ng airline at paliparan bago bumiyahe upang matiyak ang ligtas na air travel para sa lahat.