House prosecution panel spokesman Atty. Antonio Audie Bucoy House prosecution panel spokesman Atty. Antonio Audie Bucoy

Bucoy: Ang mandato ay litisin, desisyunan, hindi i-dismiss nang walang trial

31 Views

WALANG makatuwirang dahilan para ibasura ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte nang hindi dumaraan sa isang paglilitis ng Senate impeachment court.

Ito ang iginiit ni Atty. Antonio Audie Z. Bucoy, tagapagsalita ng House prosecution team, matapos na magsumite si Duterte ng kanyang answer ad cautelam sa Senate impeachment court.

“Sa aming paninindigan, there is no justifiable reason to dismiss without a trial,” sinabi ni Bucoy sa mga mamamahayag sa isang press conference nitong Martes sa pamamagitan ng Zoom.

“Dahil ang mandato is to try and to decide, not to dismiss without trial,” dagdag pa niya.

Nilinaw niya rin na nananatiling may tiwala ang prosecution sa Senado na gagampanan nito ang konstitusyonal na tungkulin nang patas.

“Kami po ay naniniwala pa rin na ang mga husgado ng impeachment court ay gagawin kung ano ang wasto… in accordance with the Constitution and in accordance with what is right,” pahayag ni Bucoy.

Inaprubahan ng House of Representatives ang Articles of Impeachment nitong Pebrero, sa suporta ng mahigit isang-katlo ng mga miyembro nito, at isinumite ito sa Senado na nagsimulang tumayo bilang impeachment court nitong Hunyo.

Nanawagan naman ang kampo ni Bise Presidente Duterte na ibasura ang reklamo, na kinukuwestiyon ang proseso at nagtataas ng mga teknikal na depensa, kabilang na ang umano’y paglabag sa one-year bar rule sa pagsasampa ng impeachment complaint.

Nang tanungin kung maaari pa bang ikonsidera ng impeachment court ang panawagan ni Duterte na ibasura ang kaso sa yugtong ito, kumpiyansang tugon ni Bucoy ay dapat nang ituloy ang proseso.

“Para sa amin dapat tumuloy na sa pre-trial. Mag-pre-trial na and then let’s proceed to trial without delay,” ani Bucoy. “Let’s proceed to trial forthwith. Nagasgas na po ‘yung salitang ‘yan, forthwith.”

Binigyang-diin ni Bucoy na nakatutok ang prosecution panel na matiyak ang pagpapatuloy ng paglilitis alinsunod sa mga probisyon ng Konstitusyon at tuntunin ng proseso.

“We trust that the impeachment court will do the right thing and perform their constitutional duty to try and decide this case,” ani Bucoy.

Nang tanungin kung hindi ba taliwas ang panawagan ni Duterte na ibasura ang kaso sa una niyang pahayag na bukas siyang harapin ito, sinabi ni Bucoy na hindi na maiiwasan ang paglilitis ngayon na may pormal na tugon na ang kanyang panig.

“Matutuloy para sa prosecution dahil sumagot siya, matutuloy ang trial,” ani Bucoy.