Sunog

1 patay, 3 sugatan sa sunog sa Paranaque

Edd Reyes Jun 28, 2025
432 Views

NASUNOG ng buhay ang 92-anyos na lola at nagtamo ng paso ang kanyang anak, apo at caregiver sa sunog na lumamon sa kanilang bahay noong Sabado sa Paranaque City.

Hindi na nakalabas ng bahay ang matanda na 7 taon nang nakaratay matapos makulong habang lumalagablab ang apoy sa kanilang bahay sa Sapphire St., Green Heights Subdivision, Brgy. San Isidro.

Nabigyan ng first aid ng mga nagrespondeng medical team ang anak ng biktima na si alyas Jose, anak na hindi nabanggit ang pangalan at caregiver na pawang nagtamo ng mga paso sa paa at binti.

Sa ulat ng Paranaque Bureau of Fire Protection (BFP), nakarinig ng pagputok ang caregiver sa loob ng silid ng kanyang lola dakong alas-5:40 ng umaga.

Nang buksan ng caregiver ang pinto, malaki na ang apoy kaya’t nagsisigaw na siyang humingi ng saklolo.

Tinangkang apulahin ng anak ng biktima na si Jose ang sunog gamit ang extinguisher subalit malaki na ang apoy kaya’t napilitan na silang mag-ama at caregiver na lumabas ng bahay at naiwan ang bed ridden niyang ina.

Iyon ang ikalawang sunog na nangyari sa bahay nila, ayon sa report.

Naapula ang sunog na hinihinalang sanhi ng faulty electrical wiring dakong alas-6:00 ng umaga na tumupok sa tinatayang P800,000 na halaga ng mga ari-arian.