Calendar
PBBM: Tagumpay ni Alex, tagumpay ng milyun-milyong Pilipino
“TULOY ang laban, Alex!”
Nagpaabot ng pagbati si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Filipino tennis star Alex Eala sa kanyang makasaysayang tagumpay bilang kauna-unahang Pilipino na nakarating sa finals ng Women’s Tennis Association (WTA) 250 singles tournament.
Ipinahayag ng Pangulo ang kanyang suporta sa 20-anyos na si Eala na nagpakita ng tapang at galing sa Eastbourne Open finals sa United Kingdom, kung saan siya ay natalo sa isang dikit na laban kontra sa 19-anyos na Australian na si Maya Joint.
“Tuloy ang laban, Alex! Napanood naming lahat kung paanong naisulat mo ang kasaysayan bilang kauna-unahang Pilipino na umabot sa WTA 250 singles final,” ani Pangulong Marcos sa isang social media post Sabado ng gabi, matapos mapanood ang championship match.
“Tagumpay na rin ito — para sa ating bansa at para sa milyun-milyong Pilipinong buong pusong sumusuporta sa’yo,” dagdag pa niya.
“Ipinagmamalaki ka ng buong bayan! Ipagpatuloy mo lang, dahil ang pinakamaganda ay paparating pa,” mensahe pa ng Pangulo kay Eala.
Patuloy ang mainit na karera ni Eala mula pa nang makapasok siya sa semifinals ng 2025 WTA Miami Open nitong Marso, kung saan tinalo niya ang tatlong Grand Slam champions sa edad na 19.
Susunod na lalaban si Eala sa kanyang unang Wimbledon Championships sa London, na magsisimula sa susunod na linggo.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na papanoodin niya ang laban ni Eala sa finals, at aniya, karangalan na para sa bansa ang pagkakapasok niya sa WTA finals.
“Excited na akong panoorin si Alex Eala habang isinusulat ang kasaysayan sa kauna-unahang WTA Finals para sa Pilipinas,” sabi ni Marcos.
“Proud na proud na kami, Alex. Laruin mo lang ang laro mo at i-enjoy ang bawat sandali. Buong Pilipinas ang nasa likod mo. LABAN!,” dagdag pa ng Pangulo.

