Speaker Romualdez

Pagsulong ni Speaker Romualdez sa ‘open bicam’ pinuri ni Libanan

320 Views

MALUGOD na tinanggap ni House Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libanan ang panukala ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na bigyang-daan ang publikong makasaksi sa deliberasyon ng bicameral conference committee hinggil sa pambansang badyet. Tinawag niya ito bilang isang “matapang na hakbang tungo sa transparency at pananagutan sa ilalim ng demokrasya.”

“Buong suporta ang ibinibigay namin sa inisyatibo ng Speaker na bigyang-liwanag ang isa sa pinakamahalaga at pinakasensitibong bahagi ng proseso ng badyet,” ani Libanan.

“Ang pagpapahintulot sa publiko na masaksihan ang bicam discussions ay pagpapatibay ng prinsipyo na may karapatan ang mamamayan na malaman kung paano ginagamit ang kanilang pera.”

Binigyang-diin ni Libanan na mahalaga ang papel ng pampublikong pagmamasid upang matiyak na ang mga desisyong may kinalaman sa badyet ay tunay na tumutugon sa pangangailangan ng karaniwang Pilipino — at hindi bunga ng political convenience o saradong negosasyon.

“Ang pambansang badyet ang pinakamalinaw na salamin ng ating mga prayoridad,” sabi ni Libanan. “Dapat itong pag-usapan at pagdesisyunan sa harap ng publiko — hindi sa likod ng saradong pinto — dahil buhay ng mamamayan ang maaapektuhan nito.”

Ang bicameral conference committee ang may tungkuling pag-isahin ang mga bersyon ng General Appropriations Bill mula sa Kamara at Senado — isang yugto na itinuturing na pinaka-kritikal sa pagbuo ng taunang badyet.

Tradisyonal na isinasagawa sa pribado ang mga pagpupulong ng bicam, ngunit ngayon ay pinapanukalang buksan ito sa publiko sa pamamagitan ng live-streaming o pagbibigay ng direktang access sa media.

Ayon pa kay Libanan, ang pagbubukas ng bicam proceedings ay magpapalakas sa disiplina sa paggastos ng pamahalaan, makakaiwas sa mga huling minutong insertion at impluwensiyang hindi nararapat, at sa huli, magpapataas ng tiwala ng publiko sa proseso ng paggawa ng batas.

“Sa huli, ang isang bukas na proseso ay nagpapataas ng kalidad ng diskurso at negosasyon, at nagsisilbing matibay na pananggalang laban sa maling paggamit ng pondo ng bayan,” ani Libanan, kinatawan ng 4Ps party-list.

“Kung hinihingi natin ang integridad at pananagutan sa paggastos ng pamahalaan, dapat itong magsimula sa pagbubukas ng proseso,” dagdag niya. “Ang transparency ay hindi lamang mabuting pamamahala — ito ay isang moral na tungkulin.”

Umaasa rin si Libanan na ang ganitong commitment sa transparency ay maisabatas at mapanatili sa mga susunod pang Kongreso.

“Pinupuri namin ang Speaker sa mahalagang inisyatibong ito. Gamitin natin ang pagkakataong ito upang magtakda ng bagong pamantayan sa pananagutan sa pamahalaan,” ani Libanan. “At kapag nabuksan na ang pintuan, tiyakin nating hindi na ito muling maisasara.”

“Ganito natin mapatatatag ang tiwala ng mamamayan sa ating mga institusyong gumagawa ng batas — sa pamamagitan ng paggawa sa pagiging bukas bilang pamantayan, hindi bilang eksepsyon,” pagtatapos ni Libanan.