Alice Guo

ALICE GUO HINDI TUNAY NA PILIPINO, AYON SA KORTE SA MAYNILA

439 Views

IDINEKLARA ng Regional Trial Court (RTC) Branch 34 ng Maynila nitong Biyernes na si Alice Guo—ang dating alkalde ng Bamban, Tarlac—ay isang huwad na Pilipino at hindi dapat nahalal o nagsilbi bilang opisyal ng bayan.

Pinuri ng Office of the Solicitor General (OSG) at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang desisyon ng korte kaugnay ng quo warranto petition na inihain laban kay Guo, na napatalsik sa puwesto matapos ang isang anti-Philippine offshore gaming operation (POGO) raid na isinagawa ng PAOCC sa likod mismo ng munisipyo ng Bamban.

Ayon sa korte: “Matapos mapatunayan na si Guo Hua Ping ay walang dudang isang Chinese citizen, malinaw na hindi siya kwalipikado na humawak ng posisyon bilang alkalde ng Bamban, Tarlac, at lalong hindi dapat tumakbo para sa nasabing posisyon.”

Inilahad sa desisyon na “matapos ang masusing pagtalakay sa isyu ng kanyang pagkamamamayan at diskwalipikasyon, nakikita ng Korte na may merito ang nasabing petisyon.”

Napag-alamang iisang tao lamang si Guo Hua Ping at Alice Leal Guo batay sa pagkukumpara ng tatlong set ng fingerprint mula sa: Alien Fingerprint Card noong Marso 25, 2006; Biometric printout ng fingerprints ng Alice Leal Guo noong Marso 10, 2021, na mula sa National Bureau of Investigation (NBI) ICT Division; at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) fingerprint form mula sa airport noong Setyembre 6, 2024, sa pagbabalik niya mula Indonesia.

Tinanggap ng korte ang ebidensiyang inilahad ng NBI expert witness na si Dr. Kahanding, na nagsabing magkatulad ang tatlong fingerprint samples—na ito ay mula sa iisang tao: si Alice Leal Guo ay si Guo Hua Ping.

Dagdag pa ng hukom na si Judge Liwliwa Hidalgo S. Bucu: “Ang katotohanang nanalo siya sa halalan at nakaupo na sa puwesto ay walang saysay dahil hindi nito inaalis ang kanyang diskwalipikasyon dahil sa kakulangan ng pagkamamamayang Pilipino. Ang kanyang diskwalipikasyon ay umiiral na noong isinumite pa lamang niya ang kanyang Certificate of Candidacy.”

Ipinaliwanag pa ng hukom na hindi nagsumite si Guo ng kahit isang saksi para pabulaanan ang mga ebidensiyang iniharap ng gobyerno.

Bukod sa kanyang Certificate of Live Birth at petisyon para kanselahin ito, wala siyang naipakitang karapatan para sa nasabing posisyon.

Ayon sa batas, ang pasanin ng pagbibigay ng pruweba ay nasa respondent kapag ang estado ang naghain ng quo warranto case.

Inilahad rin ng korte ang mga legal na prinsipyo mula sa mga libro nina Mechem at Vicente Francisco, na nagpapaliwanag na kailangang patunayan ng respondent ang tunay na legal na karapatan niya sa puwesto.

Bilang resulta, pinaboran ng korte ang petisyon ng OSG.

“Si Guo Hua Ping alyas Alice Leal Guo ay napatunayang diskwalipikado at napatunayang iligal na gumampan ng tungkulin bilang alkalde ng Bamban, Tarlac. Kaya’t siya ay pinatatalsik at tuluyang inaalis sa naturang puwesto,” sinabi ng korte.

Ang hiwalay na Petition-in-Intervention ni Salting Jr. ay tinanggihan sa kakulangan ng legal na basehan.

Si Guo ay isang negosyanteng Tsino na nagsilbing alkalde mula Hunyo 30, 2022, hanggang Agosto 13, 2024. Nahaharap siya sa mga paratang bilang Chinese spy, at iniimbestigahan sa umano’y koneksyon sa iligal na sugal at iba pang krimen.

Noong Hunyo 2024, siya ay nasuspinde ng anim na buwan matapos kasuhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay ng POGO at scam farm operations sa kanyang bayan.

Napatawan siya ng asset freeze at isang arrest warrant noong Agosto 2024. Tumakas siya patungong Malaysia, pagkatapos ay lumipat sa Singapore at Indonesia, kung saan siya inaresto noong Setyembre 3, 2024, at ipina-deport pabalik ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan, nakakulong siya sa Pasig City Jail at humarap sa kasong human trafficking kung saan siya ay nag-plead ng “not guilty.”

Ayon sa OSG at PAOCC, ang desisyong ito ng korte sa Maynila ay may malaking epekto sa iba pang kasong kinahaharap ni Guo, lalo’t napatunayan na isa siyang Chinese citizen at hindi Pilipino.