Lacson1

Lacson: Maka-hukom na asal sa impeachment trial dapat umiral

NANAWAGAN si Senator-elect Panfilo “Ping” Lacson sa kanyang mga kapwa senador na pairalin ang maka-hukom na asal sa nalalapit na impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Sa panayam sa DZBB ngayong Hunyo 29, iginiit ni Lacson na mahalagang manatiling patas ang mga senador-hukom, lalo’t binabantayan sila ng publiko.

“Our demeanor will be observed by the public. We must always bear in mind that we are senator-judges, not members of the defense or prosecution team,” ani Lacson.

Binigyang-diin niya na hindi dapat magpahayag ng pansariling pananaw ang mga senador-hukom at limitado lamang ang kanilang papel sa pagtatanong ng mga paglilinaw kung kinakailangan.

Idinetalye rin niya na ayon sa Saligang Batas, tungkulin ng Senado na agad simulan at tapusin ang proseso ng impeachment.

Ipinaalala ni Lacson sa kanyang mga kapwa mambabatas na manatiling nakatuon sa mga ebidensya at huwag magpaapekto sa mga komento mula sa labas.

Inihalintulad niya ito sa sistema sa Estados Unidos kung saan iniingatang hindi maimpluwensyahan ang mga hurado sa paglilitis.

Nagbabala rin siya sa posibleng legal na isyu kung sakaling ibasura ang impeachment case nang hindi ito nililitis.

Ayon kay Lacson, may posibilidad na kuwestyunin ito sa Korte Suprema. Ipinunto niyang habang ang desisyong magpataw o magpawalang-sala ay hindi na maaaring i-apela, iba ang kaso kung ang reklamo ay itatapon bago pa man ito marinig.

Ang pahayag ni Lacson ay lumabas habang naghahanda na ang Senado na gampanan ang tungkulin nito bilang impeachment court para sa kasong kinakaharap ni VP Duterte.