Calendar
Speaker Romualdez pinuri makasaysayang pagpasok ni Alex Eala sa WTA
PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez noong Linggo ang Filipino tennis star na si Alex Eala sa kanyang makasaysayang paglalaro sa Lexus Eastbourne Open—isang Women’s Tennis Association (WTA) tournament—na nagbigay umano ng panibagong inspirasyon sa mga Pilipino.
Itinuring ni Speaker Romualdez si Eala bilang simbolo ng pambansang karangalan at katatagan matapos siyang maging kauna-unahang Pilipino na nakarating sa WTA Tour final, at sinabi na ang kanyang nagawa ay hindi lamang isang personal na tagumpay kundi tagumpay ng buong bansa.
“Alex Eala has done more than just play the game—she has made history and stirred the soul of a nation,” ani Speaker Romualdez.
“As the first Filipino to reach a WTA Tour final, Alex has brought the Philippines to the global stage of tennis,” dagdag pa nito.
Ang WTA ang pandaigdigang namamahala sa professional women’s tennis at siyang nag-oorganisa ng WTA Tour, ang pangunahing professional tennis tour para sa mga kababaihan. Ang Lexus Eastbourne Open ay isang WTA 250 tournament.
Higit pa sa kanyang tagumpay, binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang mas malalim na kahulugan ng tagumpay ni Eala, at itinampok kung paano ang kanyang tapang sa court at sportsmanship ay naging inspirasyon sa mga Pilipino mula sa iba’t ibang antas ng buhay.
“Beyond records and rankings, what she gave us was something even more powerful: hope, pride, and the promise of a brighter future for Philippine sports,” ani Speaker Romualdez.
Ang 20-anyos na si Eala ay umani ng pansin mula sa mga tagahanga ng tennis sa buong mundo sa kanyang matapang na pakikipaglaban sa finals, kung saan siya ay humawak pa ng apat na championship points sa isang kapanapanabik na laban na nagpakita ng kanyang tibay ng loob at kahusayan sa gitna ng matinding pressure.
“She fought with heart, grace, and courage—holding four championship points in a final that electrified the world,” ani Speaker Romualdez.
Bagama’t nabigo si Eala na makuha ang titulo, itinuro ng lider ng Kamara ang kababaang-loob ng batang atleta sa pagkatalo bilang patunay ng kanyang karakter at ng mas malalim na mga pagpapahalagang kanyang hatid sa Philippine sports.
“And in defeat, she showed true greatness when she said, ‘I’ll work hard to do more,’” giit ni Speaker Romualdez.
“That quiet resolve speaks for millions of Filipinos who, like Alex, strive harder every day to rise, to fight, and to uplift our nation,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Speaker Romualdez na ang tapang at katahimikan ni Eala sa harap ng pressure ay tumimo sa puso ng sambayanang Pilipino, na sa kanyang paglalakbay ay nakita ang parehong determinasyon na nagtutulak sa kanila sa kani-kanilang sariling mga laban at pangarap.
“Alex Eala may have lost a match—but she won a nation’s heart,” ani Speaker Romualdez.
Sa pamamagitan ng kanyang pagganap, sinabi ng lider ng Kamara na pinaalala ni Eala sa buong mundo ang diwa ng Pilipino—matatag, pursigido at punong-puno ng potensyal.
Ang kanyang paglalakbay, ayon kay Speaker Romualdez, ay nagdagdag ng isa pang karangalang kabanata sa kasaysayan ng Pilipinong kahusayan sa pandaigdigang entablado.
“She reminded us that the Filipino spirit is bold, relentless and destined for greatness,” aniya.
“Mabuhay ka, Alex. The entire nation stands proud because of you,” wika pa ni Speaker Romualdez.

