Calendar
Maynila isasailalim sa state of emergency dahil sa malalang basura
HIHILINGIN ni Mayor Isko Moreno Domagoso sa Sangguniang Panlungsod sa unang araw ng pagbubukas ng sesyon Martes ng tanghali na maglabas ng resolusyon na magdedeklara sa buong Lungsod ng Maynila sa ilalim na state of emergency sanhi ng malaking problema sa basura.
“With the situation a few weeks ago, the past days and today, talagang sasabog ang Maynila, sa baho, sa eyesore, at higit sa lahat sa panganib na dulot ng basura sa kalusugan ng ating mamamayan. So now, I opted to and request the city council tomorrow first session day to declare state of emergency, health emergency in the entire city of Manila,” pahayag ng alkalde sa unang araw ng pagharap niya sa mamamahayag.
Ayon sa alkalde, batid niya ang mga naging panawagan ng mamamayan sa dating administrasyon na pinadaan sa pamamagitan ng media ang nakakalunos na sitwasyon ng Maynila subalit nagtengang-kawali lamang aniya ang mga dating opisyal.
Inihayag din ni Domagoso na pag-upong-pagupo niya sa puwesto ay nakatanggap na rin siya ng liham sa dalawang kompanya na humahakot ng basura sa lungsod, ang Metro Waste at Phile Co, na kanila ng tinatapos ang kontrata sa paghahakot ng basura simula Hunyo 30. 2025 dahil hindi na nila kayang bayaran ang kanilang mga tauhan bunga ng hindi pagbabayad ng administrasyon ni Mayor Honey Lacuna mula pa noong Pebrero hanggang kasalukuyan.
Dahil dito, sinabi ni Domagoso na buong kababaang loob na niyang pinakiusapan ang kompanyang Leonel Waste Management na gamitin ang lahat ng kanilang mga trak ng basura at mga tauhan upang hakutin muna ang mga nagtambak na basura sa buong Maynila.
Tinugon naman aniya ng kompanya ang kanyang pakiusap na sila muna ang maghakot ng basura simula alas-2 ng hapon ng Lunes hanggang kinabukasan ng madaling araw ng Martes ng libre at hindi sisingilin ang lungsod.
Inatasan na rin niya niya ang City Engineering, Department of Public Service (DPS), at Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na lahat ng kanilang mga tauhan at kagamitan na gamitin muna ang mga ito hangga’t hindi nauubos ang basura sa lungsod.
Nanawagan din siya sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at iba pang ahensiya ng pambansang pamahalaan na tulungan sila na maibsan kaagad ang nararanasang pagdurusa sa problema sa basura.
“Today by 2 p.m., onwards hanggang gabi, hanggang madaling araw, hindi titigil ang siyudad ng Maynila para mahakot ang basura. It’s going to be hard, it’s not that simple, but I need everyone’s cooperation,” pahayag ng alkalde.
Bukod naman sa hiling na resolusyon hinggil sa pagsasailalim sa state of emergency ang Maynila, hihimukin din ng alkalde sa Sangguniang Panlungsod na pag-aralan ang pagbibigay ng kontrata sa Leonel Waste Management upang sila ng muli ang maghakot ng basura sa Maynila.

