Calendar
Bilyong pisong utang ng Maynila mamanahin ni Mayor Isko Moreno
MAMANAHIN ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang aabot sa bilyong pisong pagkaka-utang ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa kanyang pag-upo sa puwesto.
Sa kanyang unang pagharap sa mga mamamahayag Lunes ng hapon sa Bulwagang Antonio Villegas, inihalimbawa ng alkalde ang lumobong utang ng lokal na pamahalaan para lang sa mga kinuhang contractors ng basura na umabot na sa P950 milyon dahil sa hindi umano maayos na pamamalakad ng pananalapi ng bayan.
Ayon sa alkalde, hindi masisisi ng lokal na pamahalaan ang dalawang kompanyang kinontrata ng nakaraang administrasyon ni Mayor Honey Lacuna kung hindi man nila nagampanan ng maayos ang koleksiyon ng basura dahil hindi naman sila nababayaran.
“No businessmen,for that matter can continue to bleed and render service for the sake of our people without getting paid, kalokohan yun, kaya ayun, ako ang tinamaan. Kaya ngayon, sakripisyo ang taong bayan ng Lungsod ng Maynila,” sabi pa ng alkalde.
Idinugtong pa ng alkalde na hindi lamang ang bayarin sa basura ang kasalukuyang sitwasyon ng pananalapi ng lungsod bagama’t ayaw muna niya itong ibunyag.sa ngayon.
Gayunman, tiniyak ni Domagoso na ilalahad niya ang tunay na sitwasyong pananalapi ng lungsod Martes ng hapon sa pagbubukas ng sesyon ng Sangguniang Panlungsod.
“Pero sisiguraduhin ko sa inyo, kailangan ninyong mag-seatbelt kapag kayo’y manonood sa sesyon bukas, you have to brace yourself,” dagdag pa ng alkalde.
Nilinaw naman niya na wala pa siyang itinuturong may kagagawan nito bagkus ay binabanggit lamang niya ngayon kung ano ang katotohanan.
Maging ang pagsugod ng mga pulis at Special Weapon and Tactics (SWAT) Team noong Biyernes ng gabi sa tanggapan ng City Accountant bunga ng nagaganap na tensiyon ay kanya na ring bubusisiin matapos makarating sa kanyang kaalaman na may pinupuwersang opisyal na lumagda sa dokumento.

