Calendar
Lotto ticket na binili sa Novaliches ipinanalo mananaya ng P72M
ISANG masuwerteng mananaya mula sa Metro Manila ang nanalo ng jackpot prize na P72 milyon sa Grand Lotto 6/55 nitong Lunes ng gabi, ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon sa PCSO, nakuha ng mananaya ang tamang kumbinasyon na 03-54-24-36-18-46, na may kabuuang premyong P72,366,751.00.
Ang winning ticket ay binili sa isang outlet sa Novaliches, Caloocan City.
Samantala, anim na iba pa ang nanalo ng P100,000 bawat isa matapos makakuha ng lima sa anim na tamang numero; 388 na mananaya ang tatanggap ng P1,500 bawat isa para sa apat na tamang numero; at 10,067 naman ang makakakuha ng P60 para sa tatlong tamang numero.
Ang mga nanalo ay may isang taon mula sa petsa ng draw upang i-claim ang kanilang premyo, alinsunod sa Republic Act 1169 o ang batas na sumasaklaw sa mga lottery ng PCSO.
Ang lahat ng jackpot prizes ay dapat i-claim sa PCSO main office sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City.
Kailangang isulat ng mga nanalo ang kanilang pangalan at pirma sa likod ng winning ticket at magprisinta ng dalawang government-issued ID o dokumento.
Ang mga panalong higit sa P10,000 ay sasailalim sa 20 porsiyentong buwis alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Ang Grand Lotto 6/55 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado.

