Calendar
Nanghoholdap ng Bumbay tiklo sa parak
MARILAO, Bulacan–Dalawang hinihinalang holdaper ang naaresto sa aktong hinoldap ang isang Bumbay noong Sabado sa Brgy. Abangan Sur, Marilao, Bulacan.
Sa ulat kay Col. Jay Baybayan, Bulacan police director, kinilala ang mga natiklong suspek na 42-anyos at 25-anyos na huli sa aktong nanghoholdap sa Alejandra St., Brgy. Abangan Sur, bandang alas-11:36 ng umaga.
Binibiktima ng dalawa ang Indian national na naniningil ng utang sa tindera pero biglang dumating ang mga suspek sakay ng motorsiklo.
Tinutukan ng baril ng unang suspek ang biktima at nagdeklara ng holdap habang kinapkapan ng ikalawang suspek.
Pumalag ang biktima at nakakuha ng attention ng mga tao na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek sa tulong ng rumespondeng mga pulis.
Narekober mula sa unang suspek ang isang kalibre .38 na baril na may 4 na bala at nakuha sa ikalawang suspek ang P2,200 na hinihinalang ninakaw sa biktima.
Ang mga suspek ay mahaharap sa kasong robbery with violence against or intimidation of person at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

