Vios

SCO para sa Vios na tinakpan plaka pinadala ng LTO

Jun I Legaspi Jul 1, 2025
406 Views

SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na panagutin ang mga lumalabag sa batas trapiko, inalarma ng Land Transportation Office (LTO) ang isang Toyota Vios para makaiwas sa No Contact Apprehension Policy (NCAP).

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, naglabas na ng show cause order laban sa may ari ng Toyota Vios batay sa impormasyong nakalap mula sa video na kumalat sa social media.

Nauna ng sinuspinde ng LTO ang lisensya ng isang rider at inalarma ang kanyang motorsiklo matapos takpan ng packaging tape ang plaka ng kanyang motor.

Sa kasalukuyang kaso, nakuhanan ng video ang driver ng Toyota Vios habang bumibiyahe sa Taft Avenue na may takip ang orihinal na plaka gamit ang hindi awtorisadong plaka.

Ayon kay Renante Melitante, hepe ng Intelligence and Investigation Division ng LTO, humadlang ang takip sa malinaw na pagkakabasa ng plaka kaya’t ilang letra lang ang nakita habang natakpan ang mga numero na sinadyang gawin upang makaiwas sa NCAP.

Inatasan ang may ari ng sasakyan na humarap sa LTO Central Office kasama ang driver na nagmamaneho sa oras ng insidente.

Pagpapaliwanagin ang driver kung bakit hindi dapat suspendihin o tuluyang bawiin ang kanyang lisensya dahil sa ginawa niyang paglabag sa Section 27(a) ng Republic Act 4136.