Calendar
Acidre pabor na buksan sa publko deliberasyon ng bicam sa badyet
SUPORTADO ni Tingog Party-list Rep. Jude A. Acidre ang panukala na gawing bukas sa publiko ang deliberasyon ng bicameral conference committee para sa panukalang pambansang badyet.
Ginawa ni Acidre ang pahayag kasunod ng pag-sang-ayon ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, ang Speaker ng 19th Congress, sa panukala na wakasan na ang tradisyunal na “closed-door” na pagtalakay ng bicameral conference committee sa General Appropriations Bill.
“Nauna na pong nagpahayag ng suporta si Speaker Martin Romualdez tungkol po sa kanyang suporta sa open bicam, and I think it resonates well with many of the members of Congress,” ayon sa pahayag ni Acidre sa isang press conference.
“Kaya po ako, buo ang suporta natin sa panawagang maging transparent, accountable, at bukas ang proseso ng bicameral conference committee sa kadahilanang ito ay pamamaraan para mas maintindihan ng ating mga kababayan ang kabuuan ng proseso ng pagpapanday ng mga batas at polisiya natin,” dagdag pa ng kongresista.
Nauna nang sinabi ni Rep. Romualdez na pabor siya sa pagbubukas ng proseso ng bicameral conference para sa pambansang badyet dahil may karapatan ang taumbayan na malaman kung saan napupunta ang kanilang buwis.
Sinabi rin ni Acidre na bukas siya sa paggawa ng patakaran o kasunduan sa Kamara para gawing opisyal ang ganitong sistema, basta’t hindi ito makakaapekto sa kalayaan at pagiging maayos ng trabaho ng lehislatura.
Bilang tugon, nanawagan si Acidre na palawakin pa ang polisiya ng pagiging bukas, hindi lamang sa taunang General Appropriations Act.
“Kaisa po natin si Speaker Martin. Kaisa po tayo sa panukalang buksan ang bicameral conference committee, sa usapin man ito ng General Appropriations Act, ng national budget, o sa anumang mga polisiyang binabalangkas sa Kongreso,” ani Acidre.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang pagbubukas ng bicam deliberations ay makatutulong upang mas maunawaan ng mga Pilipino kung paano binubuo at pinapanday ang mga batas at polisiya, lalo na’t dito kadalasan nangyayari ang mahahalagang pagbabago na hindi nakikita ng publiko.
Aniya, ang mas mataas na transparency sa yugtong ito ay maaaring magbunsod ng malaking pagbabago sa paraan ng pamamahala at paggawa ng batas sa bansa.
Tinawag din ni Acidre ang panukala bilang isang hakbang tungo sa mas inklusibong partisipasyon ng mamamayan sa proseso ng paggawa ng batas.
“Sabi nga noong kanta, ‘Iisang bangka lang tayo.’ Ito ang magiging isang pamamaraan para tunay natin maipakita na tayong mga Pilipino, hindi lang ang mga kongresista na halal, kundi pati ang ordinaryong mamamayan, dapat may kinalaman at may pakialam sa layunin at direksyon ng ating bansa.”
Nang tanungin kung paano ito maisasakatuparan, sinabi ni Acidre na ang pinakamadali at pinakamabisang paraan ay ang pagpasa ng isang pormal na resolusyon sa Kamara, sa halip na agad na baguhin ang mga umiiral na panuntunan nito.
“Initially, the fastest way to go about this, in my opinion, is really to pass a resolution,” ayon sa mambabatas.
“Kasi normally, kung House rules, medyo hindi kaagad-agad nababago. But for this to be really immediate, we are hoping and seriously thinking of filing a resolution proposing and institutionalizing open deliberations at the bicameral conference level,” paliwanag pa ni Acidre.

