Castro

PBBM pag-aaralan muna panukalang batas na pahintulutan diborsiyo sa PH

472 Views

KAILANGAN munang pag-aralan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang batas na naglalayong pahintulutan ang absolute divorce bago siya magbigay ng pormal na posisyon ukol dito, ayon sa Malacañang nitong Huwebes.

Ito ay kasunod ng muling pagsusumite ng panukalang batas pabor sa diborsyo sa ika-20 Kongreso.

Nang tanungin kung susuportahan ni Marcos ang naturang panukala, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na ito ay nakadepende sa nilalaman ng mga panukalang batas.

“Siguro po mas maganda kung maibibigay nila ang pinakadetalye at buong nilalaman ng bill na ito dahil mahirap po sa ngayon na mag-oo o mag-hindi ang Pangulo. Mas maganda pong maibigay ‘yung pinaka-detalye dahil maaaring maganda ang maidulot nito sa ating bansa. Tignan po natin,” ani Castro sa mga mamamahayag.

Wala rin umano sa ngayon ang Pangulo ng malinaw na posisyon ukol sa diborsyo, dahil kailangan pa niyang makita at suriin ang kabuuan ng panukala.

Ayon kay Castro, kailangang pag-aralan muna ang panukala at maaaring makakuha ito ng suporta kung maganda ang mga probisyon at susuportahan ito ng Simbahan.

“So, tingnan po natin at muli kung ano ang magiging maganda para sa taumbayan,” dagdag pa niya.

“Pero mas maganda po sana, at ‘yun din po ang nais ng Pangulo, na mas paigtingin natin ang magandang pagsasama ng mag-asawa, mas palawigin natin na mas maresolba ng bawat mag-asawa ang kanilang problema para maayos ang kanilang pamilya – hindi lang para sa kanilang dalawa kundi para sa kanilang mga anak,” ani Castro.