BBM Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Romualdez tinukuran isinusulong na cold chain upgrade ni PBBM para matulungan mga mangingisda

349 Views

TINIYAK ni re-elected Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, ang Speaker ng 19th Congress, ang buong suporta nito sa inisyatiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na gawing moderno at palawakin ang cold chain system ng bansa, na makatutulong ng malaki sa mga mangingisdang Pilipino.

Ipinahayag ni Romualdez ang kanyang suporta matapos ang pag-inspeksyon ni Pangulong Marcos sa General Santos Fish Port Complex (GSFPC), na kilala bilang pangunahing sentro ng industriya ng tuna sa bansa at isang mahalagang haligi ng ekonomiya sa Mindanao.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), dalawang pangunahing proyekto sa imprastraktura ang ipinatupad kamakailan sa fish port: ang pagpapalawak at pagpapabuti ng GSFPC Package II, at ang pagtatayo ng GSFPC cold storage.

Layunin ng mga proyektong ito na palakasin ang kapasidad at kalidad ng fish port bilang pangunahing logistics hub ng sektor ng pangisdaan.

Binigyang-diin ni Romualdez ang kahalagahan ng mga hakbang sa Kongreso upang maisulong ang pagtatayo ng mga makabago at modernong fish ports at cold storage facilities sa buong bansa.

“Malaki ang maitutulong ng pagdami ng mga fish ports at cold storage facilities para maibaba ang transportation at production costs ng ating mga mangingisda. Makakaasa sila sa suporta ng Kongreso para magtayo ng mas makabago at modernong mga pasilidad,” ayon sa pahayag ni Romualdez.

Dagdag pa ni Romualdez, inaasahan niya ang aktibong partisipasyon ng kanyang mga kapuwa mambabatas sa pagbusisi ng National Expenditure Program (NEP) para sa 2026, sa oras na ito’y isumite ng ehekutibo sa Kongreso.

Titiyakin umano nilang sapat ang pondong ilalaan para sa modernisasyon ng imprastraktura ng sektor ng pangisdaan.

“Bibigyang prayoridad ng mga mambabatas ang programang ito ni Pangulong Marcos. Isa ito sa mga kailangan ng pamahalaan para maabot ng Pilipinas ang food security para sa bawat Pilipino,” giit ni Romualdez.

Sa pagbisita ni Pangulong Marcos sa General Santos City noong Biyernes ng umaga, binigyang-diin nito ang pangangailangang magtayo pa ng mga modernong fish ports at cold storage facilities upang mapanatili ang kalidad ng mga nahuhuling isda at iba pang lamang-dagat.

Personal ding ininspeksyon ng Pangulo ang fish port kung saan nasaksihan nito ang pagbaba, pagtitimbang at pag-marka sa mga sariwang tuna na pang-export ang kalidad.

Tiniyak ni Pangulong Marcos sa mga mangingisda na patuloy ang suporta ng pamahalaan sa pagpapabuti ng cold chain system ng bansa upang mapababa ang kanilang gastusin sa produksyon at transportasyon at mapalaki ang kanilang kita.