Calendar
File photo ng isa sa mga naging biktima ng madugong drug war ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
File photo ni JON-JON C. REYES
House Quad Comm binuhay panawagang hustisya para sa mga biktima ng drug war ni Duterte
MULING inihain ng mga miyembro ng House quad committee ng 19th Congress ang House Bill No. 1629 na layong gawing heinous crime ang extrajudicial killing (EJK), bilang tugon sa mga umano’y pagpatay na may kaugnayan sa madugong kampanya kontra droga ng dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Kabilang sa mga pangunahing may-akda ng panukala sina Reps. David “Jay-jay” Suarez (Quezon), Bienvenido Abante Jr. (Maynila), Romeo Acop (Antipolo), Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur), Paolo Ortega V (La Union), Ernesto Dionisio Jr. (Maynila), Rodge Gutierrez (1-Rider Party-list), Lordan Suan (Cagayan de Oro), Jay Khonghun (Zambales), Gerville “Jinky Bitrics” Luistro (Batangas) at Jonathan Keith Flores (Bukidnon).
Ang panukala ay personal na inihain nina Ortega, Abante, Luistro, Khonghun, Adiong, Dionisio at Suan.
Unang inihain ang panukalang batas sa katatapos na 19th Congress na resulta ng imbestigasyong isinagawa ng quad committee hinggil sa EJK cases.
Sa ilalim ng panukala, ang EJK ay ang pagkitil sa buhay ng isang tao nang wala sa legal na proseso at papatawan ng habambuhay na pagkakakulong ang sinumang opisyal ng gobyerno, ahente ng estado o sinumang opisyal ng estado na mapatunayang sangkot o nag-utos ng ganitong pagpatay.
Ayon sa paliwanag ng mga may-akda, “Extrajudicial killings defined in this bill as the taking of life without the sanction of a lawful judicial process, pose a serious challenge to democratic institutions and erode public confidence in the justice system.”
“When perpetrators are not held accountable, impunity thrives and the most basic human rights are rendered hollow,” dagdag pa ng mga kongresista.
Ayon sa datos ng Commission on Human Rights (CHR), may 846 kaso ng EJK ang naimbestigahan sa pagitan ng 2016 at 2022. Sa bilang na ito, 577 ang isinasangkot sa kapulisan, habang 269 naman ay iniuugnay sa mga hindi nakikilalang salarin o iba pang grupo.
Binanggit ng mga mambabatas na, “These protections are meaningless if violations committed outside the justice system go unpunished. The State has a legal and moral duty to prevent such abuses and respond decisively when they occur.”
Sa ilalim ng panukalang Anti-Extrajudicial Killing Act, pananagutin din ang mga senior police at military officials na mag-uutos sa kanilang mga tauhan na magsagawa ng EJK.
Itatatag rin ang Extrajudicial Killings Claims Board sa ilalim ng CHR upang tumanggap at mag-apruba ng pinansyal at di-pinansyal na kabayaran para sa mga pamilya ng mga biktima.
Ayon sa panukala, “This measure proposes to explicitly define and criminalize EJK, ensuring that all individuals, whether public officials or private actors, who commit, order, or permit such killings can be prosecuted and penalized accordingly.”
“By codifying EJK as a distinct and punishable offense, the bill intends to provide a strong legal foundation for addressing such violations through proper investigative and judicial processes,” ayon pa sa panukala.
Ang mga biktima o kanilang pamilya ay maaaring tumanggap ng kompensasyong nagkakahalaga mula P250,000 hanggang P500,000 depende sa bigat ng kaso. Magsasagawa rin ang Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng psychosocial at educational support.
“While financial compensation can never fully restore what has been lost, it serves as a modest form of justice and a recognition of the harm inflicted,” ayon pa sa mga mambabatas. “More importantly, this measure will help build a culture of accountability and demonstrate that the State does not condone killings committed outside legal boundaries.”
Nilalaman din ng panukala na maaaring ituring bilang administrative negligence sa mga opisyal kung patuloy ang pagtaas ng kaso ng EJK sa kanilang nasasakupan sa kabila ng pagtanggap ng pondo para sa peace and order o intelligence. Maaaring isailalim sa preventive suspension ang mga ito habang iniimbestigahan.
Pinagtitibay ng panukalang batas ang obligasyon ng Pilipinas sa ilalim ng International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR) na naglalayong pangalagaan ang karapatang mabuhay at pigilan ang mga walang habas na pagpaslang.
“This measure affirms the country’s commitment to international human rights obligations. The swift enactment of this bill is strongly urged,” ayon pa sa pahayag ng mga lider ng quad committee.

