Calendar
Gobyerno inudyok tumayong magulang ng mga napabayaan bata
MULING isinumite ni Senador Alan Peter Cayetano ang isang panukalang batas na naglalayong magbigay ng tuloy-tuloy at sistematikong suporta mula sa pamahalaan para sa mga batang ulila, inabandona, o pinabayaan sa bansa.
Ang Senate Bill No. 106, na isinampa noong Hulyo 3, 2025, ay bahagi ng 24 na pangunahing panukala ni Cayetano para sa ika-20 Kongreso. Kilala bilang Trust Fund for the Abandoned, Neglected, or Voluntarily Committed Child, layunin ng panukala na itatag ang National Child Support and Care (NCSC) Program sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa ilalim ng NCSC, ipagkakaloob sa mga kwalipikadong bata ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng tirahan, sapat na nutrisyon, serbisyong medikal, suporta sa mental na kalusugan, at edukasyon. Bukod dito, ipatutupad rin ang isang Child Find System, mga hakbang sa muling pagbabalik sa pamilya, at pagsasanay para sa mga social worker at tagapag-alaga.
Isa sa mga pangunahing bahagi ng panukala ang pagtatatag ng isang personal na trust fund para sa bawat bata. Itinakda sa panukala na maglalagak ang DSWD ng ₱15,000 kada quarter para sa bawat bata, na maaaring itaas batay sa inflation. Sa pagtuntong nila sa edad na 18, maaaring gamitin ang pondo para sa pag-aaral, kabuhayan, o pansariling pag-unlad.
Ang pondong ito ay popondohan mula sa pambansang badyet, pati na rin mula sa mga pribadong donasyon, hindi na-claim na child support, at iba pang legal na mapagkukunan. Pamamahalaan ito ng isang accredited na trust entity sa pamamagitan ng kasunduan sa DSWD.
Sa paliwanag ng panukala, isinaad ni Cayetano ang isang sipi mula sa Psalm 82:3: “Defend the weak and the fatherless; uphold the cause of the poor and the oppressed.” Binigyang-diin din niya ang tungkulin ng pamahalaan bilang parens patriae, na may obligasyong protektahan ang mga hindi kayang ipagtanggol ang kanilang sarili.
Batay sa datos ng Philippines Without Orphans, tinatayang nasa pagitan ng lima hanggang pitong milyong bata sa bansa ang mga ulila, inabandona, o pinabayaan. Samantala, ayon sa Rohei Foundation, humigit-kumulang 237 batang Pilipino lamang ang naaampon taun-taon.
Sa isang naunang deliberasyon sa 2025 budget ng DSWD, iminungkahi ni Cayetano na maglaan ng kondisyonal na tulong pinansyal sa mga ampunan — sa kundisyong ang mga bata ay regular na pumapasok sa paaralan at sumasailalim sa health checkups.

