Isko1

Smart TV, laptop sa bawat classroom sa Kinder sa public schools ilalagay ni Yorme Isko

Edd Reyes Jul 10, 2025
365 Views

IPAPATUPAD ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang paglalagay ng Smart TV at isang laptop sa bawa’t silid aralan ng Kindergarten sa mga pampublikong paaralan sa Maynila.

Ito’y makaraang aprobahan ng Manila City School Board nitong Miyerkules ng hapon ang isang resolusyon na maglalaan ng P143,000,100 mula sa 2025 Special Education Fund (SEF) Project Procurement Management Plan upang magamit sa pagbili ng Smart TVs, tablet armchairs, at workbooks para sa 397 na Kinder classrooms ng pampublikong paaralan sa buong Maynila, pati na ng laptops para sa mga guro bilang bahagi ng digital-assisted learning.

“We are strengthening reading and basic education, in line with the national direction of equipping our classrooms as a mode for learning,” sabi ng alkalde.

Ang hinugot na pondo aniya ay mula sa hindi naman kailangang gastusin tulad ng pagkukumpuni. “If we can spend ₱1.2 billion on repairs — and these repairs are not even life-threatening — then we could have built large schools instead,” dagdag pa ni Yorme Isko.

Ang inilatag na programang pang-edukasyon ng alkalde ay bahagi ng kanyang pang-matagalang hangarin sa ilalim ng kanyang “10-year Make Manila Great Again” na isang diskarte sa pagunlad, kasama ang kaalaman sa pagbasa at pagsulat na prayoridad sa mga nagsisimula pa lamang matuto.

Nauna ng binanggit ng alkalde sa kanyang State of the City Address ang naturang proyektong pang-edukasyon. “Bawat silid-aralan sa ating lungsod, pangarap natin na kabitan ng isang high-definition, giant screen, internet-ready TV. Off-the-shelf commodity ang TV. Easy to procure. Mura pa. Sa Raon nga, Buy 1 Take 1 pa. Mapapakamot ka tuloy ng ulo: Sa panahon ng bots and bytes, bakit ang gamit pa rin sa pagtuturo ay blackboard lamang?” sabi niya.

Bilang pagsang-ayon sa paglalaan ng pondo, sinabi ni Manila City Schools Division Office (SDO) OIC Superintendent Nerissa Lomeda na titiyakin niya sa alkalde na ang bawa’t Manileño ay matututong bumasa.