Calendar
Kaligtasan ng mga marino vs mga atake siniguro
NANAWAGAN si Senador Joel Villanueva ng agarang aksyon upang maprotektahan ang mga marinong Pilipino matapos ang isang nakamamatay na pag-atake sa Red Sea na isinisi sa mga hinihinalang rebeldeng Houthi. Ilang Pilipino ang nasawi sa naturang insidente habang sakay ng mga apektadong barko.
Sa kanyang opisyal na pahayag, ipinaabot ni Villanueva ang pakikiramay: “We offer our sincerest condolences to the families and loved ones of our kababayans who were killed in the attack. We continue to pray for the safety of our fellow Filipinos who remain in the area.”
Hinimok niya ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na palakasin ang pagbabantay sa kalagayan ng mga Pilipino sa rehiyon at tiyaking ligtas ang mga ito.
Bunsod ng panganib sa mga conflict zones, iminungkahi ni Villanueva ang posibilidad ng isang pansamantalang deployment ban para sa mga marino. Iginiit din niya ang masusing pagrepaso sa mga kontrata upang matiyak ang pagsunod sa mga batas at pagkakaroon ng sapat na proteksyon para sa mga seafarer.
Ayon sa senador, dapat magsumite ang mga manning agency at kanilang mga principal ng dokumentong nagpapatunay sa pagsunod sa panukalang ban at sa “right to refuse sailing by the seafarers.” Iminungkahi rin niya na magkaroon ng malinaw na proseso para sa ligtas na pagbaba ng mga marino, na kailangang isumite at subaybayan ng DMW.
“Our top priority remains the protection and welfare of our Filipino seafarers,” diin ni Villanueva, habang tinukoy ang Magna Carta of Filipino Seafarers na siya mismo ang may-akda sa Senado.

