PBBM

PBBM nagtulak ng mas Pinahusay na konektividad, serbisyong pangkalusugan

443 Views

IPINATUPAD ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang pangako na palakasin ang konektividad sa buong bansa, pagandahin ang imprastraktura, patatagin ang sistemang pangkalusugan, at paghusayin ang pagtugon sa mga medikal na emerhensiya.

Sinimulan ni Pangulong Marcos ang kanyang masikip na iskedyul ngayong linggo sa Leyte, kung saan inilunsad niya ang Phases 2 at 3 ng National Fiber Backbone (NFB) project na naglalayong maghatid ng mabilis, maaasahan, at abot-kayang internet sa lahat ng Pilipino, lalo na sa mga malalayong lugar at mga disadvantaged na komunidad (GIDAs).

Tinatayang 1,800 kilometro ng bagong fiber optic cable ang inilatag sa ilalim ng Phases 2 at 3 ng NFB, na pinalawak ang high-speed digital infrastructure hanggang Cagayan Valley, Calabarzon, Bicol, Eastern Visayas, at Mindanao.

Ang Phase 1 ng proyekto ay inilunsad noong Abril 2024, na sumasaklaw ng higit 1,200 kilometro mula Laoag City hanggang Quezon City.

Inaasahang makikinabang sa NFB project ang mahigit 600 tanggapan ng pamahalaan at mapapabuti ang konektividad para sa tinatayang 17 milyong Pilipino.

Habang nasa Leyte, inilunsad din ng Pangulo ang isang libreng Wi-Fi site para sa publiko sa MacArthur Landing Memorial National Park sa Palo, bilang patunay ng pagtutok ng pamahalaan sa pagpapalawak ng digital connectivity sa buong bansa.

Gumawa rin si Pangulong Marcos ng internet speed test sa pamamagitan ng online na pag-uusap kasama ang mga paaralan at health units mula sa Batanes, Zambales, Marawi, at Tawi-Tawi.

Sa kanyang pagbisita sa Leyte, inatasan ng Pangulo ang mga kaukulang ahensya na pabilisin ang pagsasaayos at pagpapanumbalik ng San Juanico Bridge, bilang tugon sa lumalalang suliranin ng mga residente, negosyante, at biyahero.

Ayon sa Pangulo, mahigit PhP500 milyon ang inilaan para maibalik ang load limit ng tulay sa 12 hanggang 15 metric tons bago matapos ang Disyembre ngayong taon.

Serbisyong Pangkalusugan para sa Lahat

Sa linggong ito, binigyang-diin din ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng abot-kayang serbisyong pangkalusugan nang pangunahan niya ang pamamahagi ng 387 ambulansya o patient transport vehicles (PTVs) sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa Luzon.

Maraming local government units (LGUs) ang unang beses pa lamang makakatanggap ng ambulansya mula sa pamahalaan, ayon sa Pangulo. “At ‘yung mga hindi pa nabibigyan, ay magkakaroon din,” aniya.

Sa kabuuang 387 ambulansyang ipinamahagi: Ilocos Region – 30, Cagayan Valley – 72, Central Luzon – 100, Calabarzon – 27, Mimaropa – 59, Bicol – 64, at Cordillera Administrative Region – 35,

Mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 2025, may kabuuang 680 ambulansya na ang naipamahagi sa mga LGU sa buong bansa.

Ang bawat ambulansya ay kumpleto sa mga pangunahing kagamitan tulad ng stretcher, oxygen tank, blood pressure monitor, at iba pang gamit medikal.

Ang proyektong ito ay isinagawa sa pakikipagtulungan sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). PCO