Imelda

Philippine Heart Center pinangalanan lobby sa nagtatag na si Ex-FL Imelda Marcos

329 Views

BILANG pagkilala sa naging papel ni dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos sa pagtatatag ng Philippine Heart Center (PHC) mahigit 50 taon na ang nakalilipas, siya’y pinarangalan noong Biyernes sa pamamagitan ng pagpapangalan sa isang lobby ng ospital sa dating First Lady.

Ang bagong ayos na lobby ng PHC Medical Arts Building (MAB) sa Quezon City ay ipinangalang Imelda Romualdez Marcos (IRM) Pavilion at nilagyan ng mga likhang sining mula sa mga Pambansang Alagad ng Sining at isang mural mula sa mga kilalang cardiologist-artists.

Ang seremonya ay dinaluhan ng dating Unang Ginang bilang panauhing pandangal.

Makikita sa lobby ang 25 paintings mula sa mga Pambansang Alagad ng Sining tulad nina Jose Joya, Ang Kiukok, Cesar Legaspi, Federico Aguilar Alcuaz, Arturo Luz, Hernando Ruiz Ocampo, Vicente Manansala, pati na rin ang mga tanyag na alagad ng sining na sina Juvenal Sanso at Romulo Olazo.

Ikinagulat ni Marcos ang paglalahad ng isang mural na pinamagatang “Our Endless Missions,” na ginawa ng cardiologist na si Dr. William Chua kasama sina Dr. Romeo Saavedra at Dr. Antonio Sibulo Jr., na kapwa rin mga cardiologist.

Suot ang kanyang kilalang terno na kulay red orange, nagpasalamat si Marcos sa mga parangal at sa dedikasyon ng IRM Pavilion.

“Natutuwa sapagkat binigyan n’yo ang buhay ko ng walang katapusan kahit wala ako. Maraming, maraming salamat sa inyong lahat,” pahayag ni Marcos.

Nagbigay-pugay din si PHC Executive Director Dr. Avenilo Aventura Jr. kay Marcos bilang “babaeng may bisyong naging daan upang maisakatuparan ang lahat ng ito.”

“Mananatili ang kanyang pamana sa bawat sulok ng gusaling ito, at sa bawat buhay na nahipo ng layunin ng paggaling na pinangangalagaan ng institusyong ito,” ayon kay Aventura.

Ayon pa sa kanya, mula pa sa simula ay itinatag ang PHC bilang isang modelo ng kahusayan sa larangan ng cardiovascular medicine—hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong Asya.

Ang pagpapasinaya ng IRM Pavilion ay isa sa mga aktibidad na inilaan ng PHC upang ipagdiwang ang ika-50 anibersaryo nito ngayong taon.

Pormal na binuksan ang PHC noong Pebrero 14, 1975.

Ayon kay Aventura, “Naitatag ang PHC noong 1975 sa pamamagitan ng inisyatiba, determinasyon at walang pagod na adbokasiya ni Gng. Marcos para sa abot-kayang makabagong pangangalagang pangkalusugan.”

Ayon sa PHC, ang bagong ayos na lobby ay nagbibigay ng isang moderno at maaliwalas na kapaligiran habang pinananatili ang klasikong karangyaan ng ospital.

“Ang IRM Pavilion ay isang mapayapang lugar para sa mga pasyente, mga stakeholder at mga kawani ng PHC upang makapagpahinga mula sa abala ng pang-araw-araw na buhay,” sabi ng PHC.

Sa isang bukas at kaakit-akit na espasyo, maaaring magpahinga ang mga bisita mula sa mga konsultasyon at gawain habang pinagmamasdan ang mga mahalagang likhang sining.

Noong Hulyo 2, ipinagdiwang ni Marcos ang kanyang ika-96 na kaarawan sa PHC kasama ang kanyang mga kaanak, malalapit na kaibigan at matagal nang tagasuporta sa isang pribadong pagtitipon sa Dr. Avenilo P. Aventura Sr. Hall. PCO