Gambling

Pagsusugal ng kabataan sanhi ng cutting classes, stress, nakawan

511 Views

NAGBABALA si Senador Sherwin Gatchalian hinggil sa lumalalang problema ng online gambling sa hanay ng kabataang Pilipino, bunsod ng madaling akses sa pamamagitan ng cellphone at mga digital wallet. Sa isang resolusyong inihain sa Senado, nanawagan siya ng agarang imbestigasyon at mas mahigpit na regulasyon upang maprotektahan ang mga mag-aaral mula sa panganib ng pagsusugal.

Ipinahayag ni Gatchalian na maraming estudyante ang nakapapasok sa mga online gambling platform gamit lamang ang cellphone at ilang pangunahing impormasyon—nang walang sapat na pangangalaga o beripikasyon sa edad.

“Dahil nakatutok ang mga kabataan sa cellphone o computer, mas madali silang mahikayat ng online gambling advertisements na nasa websites at social media channels tulad ng Facebook, X, Instagram, TikTok, at YouTube,” aniya.

Ayon sa batas, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusugal sa mga menor de edad at sa sinumang estudyante. Ngunit sa kabila nito, binigyang-diin ni Gatchalian na nananatiling mahina ang pagpapatupad ng batas, lalo na sa online platforms. Tinukoy niyang may malaking papel ang mga e-wallet at mobile financial apps sa pagpapadali ng akses ng mga kabataan sa pagsusugal.

“Nagbibigay lang sila ng pangunahing impormasyon at pagkatapos ay maaari na nilang ma-access ang iba’t ibang mga promo at cash-in options,” dagdag pa niya.
Ipinunto ng senador ang ulat ng World Health Organization na kinikilala ang gambling disorder bilang isang behavioral addiction.
Ayon sa kanya, ang pagkakalulong sa sugal ay maaaring magdulot ng pagliban sa klase, stress, pagnanakaw, at pangmatagalang pagkalulong na maaaring makaapekto sa kinabukasan ng mga kabataan.

Dahil dito, iginiit niyang kinakailangan ang isang komprehensibong pambansang patakaran na sasaklaw hindi lamang sa online kundi pati sa offline na anyo ng pagsusugal. Iminungkahi niyang isama sa mga paaralan ang mga programang pang-edukasyon na layuning pigilan ang maagang pagkakasangkot ng kabataan sa sugal.

Hinimok din ni Gatchalian ang mga ahensiyang nangangasiwa sa regulasyon at sektor ng edukasyon na magsagawa ng mahigpit na hakbang upang isara ang mga legal na puwang na ginagamit ng mga menor de edad. Kasabay nito, nanawagan siya sa mga digital platform at e-wallet providers na paigtingin ang age verification systems at aktibong imonitor ang mga kahina-hinalang aktibidad.

“This is a public health, education, and technology issue rolled into one,” aniya. “We cannot afford to ignore how easily today’s learners are being drawn into a gambling environment built for profit — not for protection.”