Martin1 Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez

Pinakamataas na trust rating naitala ng Kamara

294 Views

NAITALA ng Kamara de Representantes ang pinakamataas na trust rating nito noong Hunyo, sa ilalim ng pamumuno ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez.

Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), tumaas ang “much trust” rating ng Kamara sa nakaraang tatlong buwan. Mula 34 porsiyento noong Abril 2025, umakyat ito sa 49 porsiyento noong Mayo, at umabot sa 57 porsiyento nitong Hunyo.

Ipinapakita ng mga numerong ito ang lumalalim na kumpiyansa ng publiko sa Kamara sa panahong sinusubok ng malalaking isyung pambansa ang tibay at pagiging independent ng institusyon.

Tumaas din ang tiwala ng publiko kay Romualdez—mula 23 porsiyento noong Abril, naging 26 porsiyento sa Mayo, at umabot sa 34 porsiyento sa Hunyo. Ipinapakita nito na kinikilala ng taumbayan ang kanyang matibay na pamumuno kahit sa gitna ng tensyong pulitikal.

Ayon kay Atty. Princess Abante, spokesperson ng Kamara, patunay ang mga resultang ito sa mga nakamit ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Romualdez bilang Speaker nitong nakalipas na tatlong taon.

Sinabi ni Abante na sa ilalim ng pamumuno ni Romualdez, nagkaisa ang mahigit 300 mambabatas tungo sa iisang layunin—suportahan ang Bagong Pilipinas agenda ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. “The Filipino people recognize that the 19th Congress got the job done in terms of legislation and oversight functions that truly helped citizens,” pahayag ni Abante.

Ayon sa kanya, sa pamumuno ni Romualdez, naipasa ng Kamara ang 61 sa 64 na mahahalagang panukala mula sa LEDAC, kabilang ang 27 sa 28 na prayoridad sa ikatlong regular session.

Higit 280 batas ang naisabatas at mahigit 13,800 panukalang batas ang naihain, kaya’t isa ang ika-19 na Kongreso sa mga pinakamasigasig na Kongreso sa kasaysayan.

Sa kabila ng tensyon dulot ng impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte, nanatiling nakatuon ang Kamara sa mahahalagang batas para sa kapakanan ng mamamayan.

Kabilang sa mga pangunahing batas na naipasa ay ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, Expanded Rice Competitiveness Enhancement Fund, reporma sa wage board, Tatak Pinoy Act at Trabaho Para sa Bayan Act—mga batas na tumutugon sa seguridad sa pagkain, trabaho at industrial development.

Sa sektor ng edukasyon at kalusugan, agad na tumugon ang Kongreso sa mga panawagan ng reporma. Naipasa ang mga batas para palawakin ang benepisyo ng PhilHealth, magtayo ng mga bagong specialty hospitals, suportahan ang learning recovery, palakasin ang access sa mental health services, at pagandahin ang mga silid-aralan at pagsasanay ng mga guro.

Sa isyu ng soberanya at kapayapaan, inaprubahan ng Kamara ang Philippine Maritime Zones Act bilang suporta sa paninindigan ng bansa sa West Philippine Sea, at ang Magna Carta for Filipino Seafarers para tiyakin ang proteksyon ng manggagawang Pilipino sa buong mundo.

Nagbigay din ng mahalagang suporta sa mga lugar na apektado ng kaguluhan ang pinalakas na Barangay Development Program.

Ayon kay Abante, ang matatag na pagtatapos na ito ng ika-19 na Kongreso ay nagtaas ng inaasahan ng publiko para sa papasok na ika-20 Kongreso.

“The people have seen the results. They’ve responded with rising trust. The next Congress must build on this trust with the same level of discipline, purpose and productivity,” aniya.

Dagdag pa ni Abante, ang mataas na trust ratings ay malinaw na mensahe mula sa taumbayan.

“Respect is earned. And Speaker Romualdez earned it through performance. That is the true legacy of the 19th Congress,” giit pa ni Abante.