Magulang

Pagpapabaya sa magulang itinutulak na gawing krimen

380 Views

NAGHAIN si Senador Panfilo “Ping” Lacson ng panukalang batas na tatawaging “Parents Welfare Act of 2025,” na layuning gawing isang kriminal na paglabag ang pagtalikod o pagpapabaya ng mga anak sa kanilang matatandang magulang, lalo na kung ang mga ito ay may sakit o hindi na makakilos ng mag-isa.

Ayon kay Lacson, muli niyang inihain ang panukalang ito upang palakasin ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa tungkulin nilang alagaan ang kanilang mga magulang sa kabila ng modernong hamon sa ugnayan ng pamilya.

“We, Filipinos, are well-known for our close family ties… However, even with this, there are cases of elderly, sick, and incapacitated parents who were abandoned by their own children,” paliwanag niya.

Sa ilalim ng panukala, binibigyan ng kapangyarihan ang matatandang magulang na magsampa ng petisyon sa korte upang humingi ng suporta mula sa mga anak na hindi tumutupad sa kanilang obligasyon. Kapag napatunayang may kapabayaan, maaaring maglabas ng support order ang korte.

Ipinaliwanag ni Lacson na walang sisingiling bayarin sa korte, at magkakaloob ang Public Attorney’s Office ng libreng tulong legal sa mga nagsasampang magulang.

Bilang pagsuporta sa pagkakabuklod ng pamilya, kailangang idaan muna sa mediation ang kaso bago ito tuluyang dinggin sa korte.

Sa sandaling maglabas ng support order ang hukuman, agad itong ipatutupad at maaari lamang itong ipatigil sa pamamagitan ng utos mula sa Korte Suprema.

May kalakip na parusa ang hindi pagsunod sa kautusan: ang sinumang anak na hindi magbigay ng suporta sa loob ng tatlong magkasunod na buwan nang walang sapat na dahilan ay maaaring makulong ng isa hanggang anim na buwan, o pagmultahin ng ₱100,000.

Samantala, mas mabigat na parusa ang ipapataw sa mga anak na sadyang iniiwan ang kanilang magulang sa kabila ng responsibilidad: anim hanggang sampung taon na pagkakakulong at ₱300,000 na multa.

Binanggit ni Lacson ang mga umiiral na batas sa 30 estado sa Estados Unidos na nagsusulong din ng responsibilidad ng mga anak sa kanilang matatandang magulang.

Gayunpaman, kanyang iginiit: “Taking care of the elderly members of society is not only the function of government, but rather it is a shared responsibility of government and the children of said elderly.”

Bukod sa mga parusa, nakapaloob din sa panukala ang pagtatatag ng mga Old Age Homes sa bawat lalawigan at mga lungsod na may mataas na antas ng urbanisasyon.

Layunin ng mga pasilidad na ito na alagaan ang mga matatanda—lalo na iyong mga inabandona, may karamdaman, o hindi na kayang alagaan ang kanilang sarili. Bawat pasilidad ay inaasahang kayang tumanggap ng hindi bababa sa 50 indibidwal.

Bagama’t may umiiral nang mga batas tulad ng Senior Citizens Act, binigyang-diin ni Lacson na iba ang tinutumbok ng Parents Welfare Act—ang kakulangan ng aktwal na pagkalinga na hinahangad ng ating mga nakatatanda.

“The care for the aged is neither an exclusively private matter to be left to the family nor an exclusively public concern best left to the government,” aniya.

Sakaling maisabatas, inaasahang magsisilbing mahalagang hakbang ang Parents Welfare Act upang pagtibayin ang papel ng pamilya at estado sa pag-aalaga at pagbibigay-dangal sa mga matatanda sa ating lipunan.