Pamamaril sa NE 1 patay

Bernard Galang Apr 30, 2026
18 Views

TALAVERA, Nueva Ecija–Isa ang patay sa pamamaril ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa kasagsagan ng brownout sa Brgy. San Miguel ng bayang ito.

Sa ulat kay Police Regional Office (PRO)-3 director Brig. Gen. Jess Mendez, sinabing ang biktima ay sakay ng traysikel na bumibiyahe sa Talavera ng bumaba ang biktima sa gilid ng kalsada.

Huminto malapit sa biktima ang mga suspek na umano’y sumusunod sakay ng itim na Toyota Innova.

Nauwi sa komprontasyon ang pagkikita ng suspek at biktima at sa gitna ng pagtatalo, bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima ng ilang ulit na ikinamatay nito.

Isa sa mga suspek ang sumakay sa traysikel ng biktima at tumakas pahilaga, habang ang getaway vehicle ay nagtungo sa gawi ng Cabanatuan City.

Humiling ang mga pulis na magpatupad ng Oplan Bakod, isang hakbang sa seguridad na kinabibilangan ng paglalagay ng mga checkpoint upang maselyuhan ang mga posibleng rutang dinaanan ng mga suspek sa pagtakas.