Calendar
Dapat sa ayuda: Walang pulitika, di naaantala
ISINUSULONG ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang isang panukalang batas na layong alisin ang pulitikal na impluwensya sa programang medikal na tulong ng Department of Health (DOH), at isailalim ito sa mas sistematikong Universal Health Care (UHC).
Sa ilalim ng “Universal Medical Assistance Act of 2025,” iminumungkahi ni Lacson na pagsamahin ang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program sa UHC framework upang maiwasan ang pagkaantala sa bayad sa mga ospital at tapusin ang pamumulitika sa tulong-medikal ng gobyerno.
“By consolidating MAIFIP within the framework of the UHC, we can effectively address the issue of payment delays for medical services rendered by DOH-licensed and/or accredited health facilities because of political interference,” paliwanag ni Lacson. “The proposed legislation also aims to eliminate the politicization of the program, thus curbing the culture of mendicancy and political patronage.”
Iginiit niyang dapat makinabang ang mga Pilipinong dumaranas ng seryosong karamdaman, anuman ang kanilang estado sa buhay, nang hindi kinakailangang dumaan sa mga pulitiko para sa tulong. “Individuals… should meaningfully benefit from the government’s comprehensive safety net and enjoy affordable and accessible health services—free from political interventions that shamelessly exploit government programs to curry public favor,” dagdag pa niya.
Binanggit ni Lacson ang ilang kaso kung saan tumanggi ang mga pribadong ospital na tanggapin ang guarantee letters mula sa mga opisyal ng gobyerno, dahil sa hindi nababayarang utang.
Mayroon ding mga liham ng rekomendasyong inisyu ng mga natalong kandidato na kinukuwestiyon kung kikilalanin pa.
“These issues grossly undermine the delivery of public services and cast the medical program in a negative light,” aniya.
Ang panukala ay tumutugon din sa rekomendasyon ng Social Protection Plan 2023–2028 na muling suriin ang mga programa ng pamahalaan na may pagkakapareho. Ipinaliwanag ni Lacson na ang integrasyon ng MAIFIP sa UHC ay isang hakbang para gawing mas episyente at tumutugon ang sistema.
Sa ilalim ng UHC Act, lahat ng Pilipino ay awtomatikong kasapi ng National Health Insurance Program sa pamamagitan ng PhilHealth.
Ngunit ayon sa panukalang batas, itatatag din ang Universal Medical Assistance Program (UMAP) upang magbigay ng dagdag na suporta sa mga pasyente na hindi pa rin kayang tustusan ang gamutan kahit may benepisyo na mula sa PhilHealth o iba pang subsidiya.
Alinsunod sa No Balance Billing at No Co-Payment policies, ang UMAP ay magbibigay ng tiyak na karagdagang tulong pinansyal para sa mga kwalipikadong pasyente.
Para sa transparency at integridad, iminungkahi rin ang pagbuo ng isang national medical assistance database para sa beripikasyon, pagsubaybay, at ebalwasyon ng mga claim.
Nilalaman din ng panukala ang mahigpit na pagbabawal sa paggamit ng programa sa pulitikal na layunin. Dapat malinaw na ang pondong ito ay mula sa buwis ng mamamayan at hindi maaaring ipresenta ng sinumang opisyal bilang kanilang personal na pondo o proyekto.
Ang mga pagbabago sa Republic Act 11223 (UHC Act) ay inaasahang magpapalawak ng saklaw ng tulong, kabilang ang mga pasyenteng hindi opisyal na indigent ngunit may sertipikasyong nagpapatunay ng kawalang-kakayahang pinansyal.
Sakaling mapatunayang sangkot sa pagmamanipula ng programa, ang mga opisyal ng pamahalaan ay mahaharap sa mabibigat na parusa gaya ng habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng posisyon sa gobyerno, pati na rin sa mga kasong kriminal, sibil, o administratibo.
Sa huli, ipinaabot ni Lacson na ang layunin ng panukala ay gawing mas patas at makatao ang pagbibigay ng tulong-medikal sa mamamayan—na nakabatay sa tunay na pangangailangan, hindi sa pulitikal na koneksyon.
