Korea

Scholarship mula Manila, KIEA ibibigay sa Manileno

Edd Reyes Jul 18, 2025
307 Views

INILUNSAD ng Manila City Council at Korea International Education Association (KIEA) ang programa na magkakaloob ng scholarship sa mga Manileño upang makapag-aral at magkaroon ng trabaho sa Korea.

Ayon kay Vice Mayor Chi Atienza, karangalan ang pagtanggap sa delegasyon ng KIEA na magiging katuwang nila sa City Council, kasama si Majority Floor Leader Mon Yupangco, sa pagbuo ng sistemang magbubukas ng oportunidad sa mga karapat-dapat na estudyante na makapag-aral sa Korea.

Ang naturang inisyatiba ay magkatuwang na ipinanukala ng KIEA at ng Manila Koreatown Association upang mabigyan ng komprehensibong suporta ang mga magiging kandidato.

Ibinahagi naman ng kinatawan mula sa KIEA ang kanyang pananaw para sa programa para pumili ng mga estudyante mula sa Maynila, suportahan sila sa pamamagitan ng scholarship, bigyang pagkakataong makapag-aral sa Korean university at magkaroon ng oportunidad na magkatrabaho sa naturang bansa.

“We want to give the youth of Manila a real chance to live their own Korean dream,” sabi ng kinatawan ng KIEA.

Bukod dito, sinabi ni VM Chi na sa pamamagitan ng ganitong oportunidad, makakapag-alaga ng bagong henerasyon ang Maynila na makikipagtagisan ng talino sa lahat ng panig ng mundo.

Hinimok din ng bise alkalde ang mga naghahangad na estudyante at kanilang pamilya na manatiling sumubaybay sa katangi-tanging oportunidad.