Valeriano

Sugal tinawag na salot

Mar Rodriguez Jul 21, 2025
400 Views

ANG sugal ay salot!”

Ito ang paninindigan ni Manila 2nd District Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano patungkol sa perwisyong idinudulot ng lahat ng klase ng sugal kabilang na ang e-sabong para sa mga taong nalululong dito at nauubos ang kanilang kabuhayan.

Dahil dito, inihain ni Valeriano ngayong 20th Congress ang kaniyang panukalang batas na naglalayong ipagbawal o i-ban ang e-sabong kasama na ang mga kahalintulad nitong sugal.

Sa ilalim ng House Bill No. 1455 na isinulong ni Valeriano, mahigpit na ipagbabawal ang live-streaming, broadcasting, placing, receiving, transmitting at processing ng mga taya para sa sabong kasabay ng pagbabawal sa operation ng E-Sabong betting platform.

Sinabi ng kongresista na pumasa sa ikatlong pagbasa sa nakalipas na 19th Congress ang panukalang batas na nagbabawal sa e-sabong subalit sa kasamaang palad aniya ay wala naman itong counterpart na panukala sa Senado.

Binigyang diin ni Valeriano na isa sa mga pinaka-matinding epekto ng salot na sugal sa ating bansa ay ang mga karumal-dumal na krimen at walang habas na pagpatay na kinasasangkutan ng ilang tiwaling opisyal ng Philippine National Police (PNP).

“Sa karumal-dumal na krimen pa lang na hanggang ngayonay nananatiling unresolved. Alam naman na nating kailangang permanenteng tuldukan na ang e-sabong. Baka magpalit na lamang ng administrasyon bumalik na ang salot na ito,” wika nito.

Nakasaad din sa panukalang batas ni Valeriano na hindi lamang ang e-sabong ang ipagbabawal. Bagkos, isinasama na dito ang lahat ng online gambling gaya ng karera ng kabayo, dog racing, sa pula sa puti, online casino at sports betting.