Calendar
Pagtanda ng mga magsasaka, pagkamatay ng agri ikinabahala
UPANG tugunan ang krisis sa pagkain at tumatandang hanay ng mga magsasaka sa kasalukuyan, inihain ni Senadora Loren Legarda ang Senate Bill No. 518—isang panukalang batas na layong buhayin ang sektor ng agrikultura sa tulong ng kabataan.
Layon ng panukala ang pagtatatag ng Young Farmers and Fisherfolk Challenge Council na mangunguna sa pambansang programa para sa mga kabataang Pilipino, edad 15 hanggang 40, na nais pumasok sa larangan ng pagsasaka at pangingisda.
“The average age of our farmers is now 53 years old. If this trend continues, we could face a critical shortage of food producers within the next decade, which will threaten our food security,” babala ni Legarda.
Sa kanyang paliwanag, binigyang-diin ng senadora na nananatiling mahirap ang kalagayan ng maraming magsasaka’t mangingisda, dahilan kung bakit nawawalan ng interes ang kabataan sa sektor.
“We must act now to make agriculture viable, attractive, and dignified for the youth,” giit pa ni Legarda.
Kasama sa mga iniaalok ng programa ang panimulang puhunan, pinansyal na tulong, insurance sa kalusugan, pagreretiro, at sakuna, oportunidad sa lupa, at pagsasanay sa teknikal at pagnenegosyo. Ipinatutupad din ng panukala ang edukasyong nakatuon sa makabago at sustenableng pagsasaka.
Higit pa rito, isinusulong nito ang partisipasyon ng kabataan sa mga polisiya at paggamit ng makabagong teknolohiya, kabilang ang digital tools at climate-smart farming.
Ayon sa panukala, hindi bababa sa 30% ng mga kalahok ay dapat mula sa mga bulnerableng sektor—tulad ng mga kabataang kababaihan, katutubo, mga taga-baybayin, at mula sa mga lugar na apektado ng kaguluhan.
“Kailangan nating maisalin ang industriya sa mga nakababatang manggagawa at sumibol ang mga bagong ideya sa tumatandang sektor,” aniya.
“We have to break the stigma that agriculture is a last resort. Let us transform agriculture into a sustainable livelihood built on innovation, equity, and resilience as we steer the country toward food security and self-sufficiency,” dagdag pa niya.

