Rescue

Mas ligtas na PH titiyakin ng kagawaran sa sakuna, food bank

324 Views

Naghain si Senate President Pro Tempore Jose Jinggoy Estrada ng panibagong batas para sa kahandaan ng bansa sa kalamidad, sa pamamagitan ng dalawang panukala: ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) at ang pagbuo ng mga lokal na food bank para sa agarang tulong sa panahon ng sakuna.

“Disaster resilience begins long before the typhoon hits or the ground shakes. It starts with smart planning, readiness, and rapid response capabilities,” iginiit ni Estrada habang isinusulong ang Disaster Resilience Act at Disaster Food Bank and Stockpile Act.

Layunin ng panukalang Disaster Resilience Act na magtatag ng isang sentralisadong ahensiya na tututok sa disaster risk reduction, emergency response, climate adaptation, at pangmatagalang pagbangon. Ang DDR ang magiging tagapangasiwa ng hazard assessment, pagpapatayo ng evacuation centers, early warning systems, at rehabilitasyon.

Bukod pa rito, magiging tulay ito ng koordinasyon sa pagitan ng mga lokal at pambansang ahensiya, gayundin ng mga international partners para sa mas epektibong pagtugon.

“Given how natural disasters can seriously affect our country’s economic progress, it’s important for the government to put in place long-term strategies and practical solutions to manage risks and help communities become less vulnerable,” saad ni Estrada.

Kasabay nito, muling inihain ni Estrada ang Disaster Food Bank and Stockpile Act na layong magtatag ng mga suplayang sentro sa bawat lalawigan at lungsod. Ang mga food bank ay maglalaman ng pagkaing hindi madaling masira, tubig, first-aid kits, ilaw, tolda, at communication tools.

“Relief efforts are often delayed because of access issues. These food banks will bring help closer to those who need it most, especially in hard-to-reach and island communities,” paliwanag niya.

Iminumungkahi ng panukala na ang mga suplay ay may shelf life na hindi bababa sa dalawang taon, sapat para sa tatlong linggong pangangailangan ng lokalidad. Ipapatupad ang first-in, first-out system upang masigurong sariwa at nagagamit ang mga suplay bago ito ma-expire. Uunahin sa implementasyon ang mga malalayong isla, 4th at 5th class LGUs, at mahirap maabot na lugar.

“These food banks can spell the difference between life and death when disaster strikes,” diin pa ni Estrada.

Binigyang-diin ng mambabatas na ang dalawang panukala ay bahagi ng isang mas malawak na pananaw sa isang gobyernong maagap, may maayos na plano, at handang kumilos sa harap ng krisis.

“Our people deserve a government that is ready not just to respond, but to anticipate and act,” aniya. “With the creation of the Department of Disaster Resilience and the establishment of local food banks, we can ensure that no Filipino is left behind in times of need.”

Si Estrada rin ang nasa likod ng Republic Act No. 12076 o ang “Ligtas Pinoy Centers Act” na nagtatatag ng mga matitibay at permanenteng evacuation centers sa buong bansa.